NATAKASAN NG 8 PRESO, 2 JAIL GUARD SINIBAK

SINIBAK sa kanilang puwesto at inilagay sa restrictive custody ang dalawang jail guard ng San Jose del Monte City Police Station matapos matakasan ng walong preso nitong Linggo ng madaling araw sa San Jose del Monte City, Bulacan.

Ayon kay PMSgt. Rod Pating, officer on case, na-recover na ng binuong tracker team ang apat sa walong pumuga habang patuloy na tinutugaygayan ang apat pa.

Paliwanag ni Pating, maaaring maharap sa administrative case o mapatawan ng sanction ang mga jail guard depende sa makikitang kapabayaan kung bakit nakapuga ang binabantayan nilang persons under police custody.

Nabatid na nilagare ng walong Persons Under Police Custody (PUPC) ang rehas sa bintana ng kulungan kaya nakapuga ang mga ito bandang alas-3:00 ng madaling-araw.

Nabatid na nadiskubre lamang ang pagtakas nang magsagawa ng ocular investigation at sa sumbong ng naiwang inmates.

Ayon kay Bulacan Police director, Col. Relly Arnedo, agad nagsagawa ng hot pursuit operation ang CSJDM Police kaya nasukol ang apat. (JESSE KABEL RUIZ/ELOISA SILVERIO)

53

Related posts

Leave a Comment