NPA PATAY SA SAGUPAAN, 2 SUNDALO SUGATAN

PATAY ang isang miyembro ng New People’s Army kasunod ng nangyaring engkwentro nang tumugon ang mga sundalo mula sa Philippine Army 63rd Infantry “Innovator” Battalion, sa sumbong hinggil sa nagaganap na extortion activities ng communist terrorist group sa Basey, Samar.

Ayon kay Brig. Gen. Noel Vestuir, commander ng 802nd Infantry Brigade, nagsumbong ang mga residente na may extortion activities sa Sitio Bagti, Barangay Mabini, Basey, at sangkot ang nasa 10 armadong rebeldeng NPA mula sa Bugsok Platoon, Sub-regional Committee-Sesame (SRC-Sesame) ng Eastern Visayas Regional Party Committee (EVRPC).

Bago tuluyang makalapit ang mga sundalo, sinalubong sila ng mga putok kaya nagkaroon ng 40-minutong sagupaan bago nagpasyang tumakas ang mga NPA.

Napatay sa engkwentro ang isang Domeng Pajares, o kilala bilang si Bager. Samantala, sugatan naman ang isa pang miyembro ng NPA na kinilalang si Melchor Fabula.

Nakuha sa encounter site ang mga armas at war materials kabilang ang isang M-16 armalite rifle, grenade launchers, at International Humanitarian Law (IHL)-banned anti-personnel mines, ayon pa kay BGen. Vestuir.

Hinimok ni Vestuir ang nalalabing nga miyembro ng NPA sa Samar at Leyte na sumuko na sa mapayapang paraan.

“The path to peace is open and welcoming to those willing to abandon armed conflict,” aniya.

Samantala, sugatan ang dalawang sundalo nang nakasagupa nila ang grupo ng NPA sa Barangay Balbalan Proper at Balantoy, Balbalan, Kalinga nitong nakalipas na linggo.

Sinabi ni Army Major Rigor Pamittan, 5th Infantry Division spokesperson and Public Affairs chief, kinilala ang mga sugatan na sina Corporal Jonard Addatu at Private First Class Rojemar Cuyen, kapwa mula sa 98th Infantry Battalion na nakabase sa Kalinga.

Nakasagupa ng 103rd Infantry Battalion at 98th Infantry Battalion, kapwa mula sa 5th Infantry Division, 503rd Infantry Brigade, ang nalalabing mga miyembro ng NPA Komiteng Larangang Guerilla (KLG).

Nakuha mula sa Balbalan Proper clash site ang M14 armalite rifle, Springfield rifle, assorted guns, dalawang improvised explosive devices (IED), blasting devices, at personal belongings.

Samantala, nakuha naman sa ikalawang encounter site ang M16 armalite rifle, backpack, IED, blasting caps, mga gamot, anti-government documents, at personal items. (JESSE KABEL RUIZ)

153

Related posts

Leave a Comment