COTABATO CITY – Arestado ang isang umano’y ‘bigtime’ na tulak ng ilegal na droga makaraang mahulihan ng P3.4 milyong halaga ng shabu sa ikinasang operasyon ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) at pulisya sa Barangay Sta. Maria, Zamboanga City, iniulat nitong Martes.
Kinilala ang suspek na si Benhar Mowa, nasa hustong gulang, at nakatira sa Ipil, Zamboanga Sibugay.
Ayon kay Jury Rocamora, pinuno ng PDEA-Zamboanga City, nadakip ang suspek dakong alas-7:55 ng gabi sa parking lot ng isang shopping mall sa ikinasang anti-drug operation.
Bukod sa 500 gramo ng shabu ay nakumpiska rin ang dalawang smart phones, isang analog phone at identification card.
Sinabi ni Rocamora, ang suspek ay kasapi ng drug syndicate na nag-o-operate northern Mindanao at Cotabato habang ang supply ng ilegal na droga ay kinukuha mula sa Sulu. (BONG PAULO)
