MANINIKTIK ni GREGORIO SAMAT
MAY isang local candidate ang nakakuha ng atensyon ko sa kanyang talumpati na nagsasabi na “gusto ng mga politiko lalo na sa local level, na manatiling mahirap ang kanilang mga constituent”.
Gusto kong idagdag na gusto rin ng timawang mga politiko na mas marami ang illiterate sa kanilang nasasakupan para madali nilang utuin kapag panahon ng halalan.
May punto ang local candidate na ito na hindi ko na papangalanan, dahil kung makawala sa hirap ang mga constituent ng mga politikong namimili ng boto ay wala na silang mabibiling boto kapag nagkataon.
Pansinin niyo, may namimili ba ng boto sa mga botante na nakatira sa mga subdivision o sa mga tinatawag na middle class? Baka batukan pa ng mga tao ang kanilang mga coordinator na inuutusan nilang bumili ng boto.
Pero sa mga lugar kung saan maraming nakatirang mahirap, nagkalat ang mga coordinator ng mga politiko na siyang nagbibigay ng pera sa mga ito kapalit ng kanilang boto sa araw ng halalan.
Mas malala ang bilihan ng boto sa mga probinsya kung saan target ng mga coordinator ng mga politiko ay mga mahihirap. Hindi nila tinatarget ang mga botante na maalwan ang pamumuhay dahil baka mapahiya at mabuko lang sila.
Ang problema, mas marami ang mahihirap kaysa maalwan ang buhay na gustong-gusto ng mga politiko dahil ang mga ito ang nagbebenta ng boto, kaya mukhang tama ang local candidate na ayaw ng mga politikong namimili ng boto na umangat ang buhay ng mga tao.
Tingnan n’yo sa Canada na tapos na ang eleksyon, wala tayong narinig na namili ng boto ang mga kandidato dahil maayos ang buhay ng Canadians, hindi tulad sa Pilipinas na mas marami ang mahihirap.
Sa Singapore, kuwalipikasyon ng isang kandidato ang tinitingnan ng mga Singaporean sa pagpili ng kanilang iboboto kaya walang politiko ang nagtatangkang bumili ng boto dahil maayos ang buhay ng kanilang mga constituent.
Kaya tama ang local candidate sa pagsasabing ayaw ng karamihan sa mga politiko na umasenso ang kanilang mga constituent dahil kung hindi ay hindi na sila makababalik sa puwesto lalo na kung pera ang dahilan kung bakit sila naluluklok sa puwesto.
Pero sana may epekto ang aksyon ng Commission on Elections (Comelec) laban sa vote buying para kahit hindi pa makaahon sa hirap ang ating bansa ay magkakaroon na ng takot ang mga politikong mamimili ng boto kahit papaano.
