PUNONG BARANGAY PINAAAKSYON LABAN SA DEMOLISYON

NANAWAGAN ang mga residente ng Villaggio Ignatius Subdivision sa General Trias City, Cavite sa kanilang punong barangay na tutulan ang puwersahan umanong paggiba ng developer ng ibang subdivision sa pader na sakop ng kanilang lugar.

Ayon sa mga residente, nais nilang umaksyon ang mga local official partikular ang tanggapan ni Barangay Buenavista 1 Chairman Rizalino T.

Potante upang ipatigil ang paggiba sa pader ng subdivision at tuluyan nang makapasok ang mga heavy equipment ng developer na Raemulan Land Inc.

Dahil dito ay sama-samang lumagda ang mga miyembro ng homeowners association ng nasabing subdivision sa liham na ipinadala nila kay Potante upang ireklamo ang ginagawang panghihimasok umano ng developer ng Villaggio Enclave sa kanilang subdivision.

Bahagi ng liham ay nagsasaad na: Nais po sana namin na pumagitna kayo at ipatigil muna ang ginagawang development sa Villaggio Enclave hangga’t matapos ang eleksyon at makaupo ang isang bago at lehitimong BOD (Board of Directors) upang harapin ang problema na ginawa ng aming acting president.

Bilang patunay, kaakibat ng liham na ito ang aming mga pirma bilang tanda ng pagtutol sa paggamit ng aming kalsada at paggiba ng aming perimeter wall.

Itinanggi rin ng mga residente na aprubado ng kanilang samahan ang pinasok na kasunduan ng kanilang HOA president na si Teresita Valdivia at ang Raemulan Land, Inc. na developer ng Villaggio Enclave.

Umapela ang mga residente na mamagitan si Potante at ipatigil ang ginagawang development sa Villaggio Enclave hangga’t matapos ang eleksyon at makaupo ang isang bago at lehitimong BOD sa kanilang asosasyon. (CESAR BARQUILLA)

259

Related posts

Leave a Comment