PURA LUKA DAPAT MAGPASALAMAT KA!

RAPIDO ni PATRICK TULFO

NAARESTO na ng mga operatiba ng Manila Police District itong si Amadeus Fernando Pagente o mas kilala sa pangalang Pura Luka Vega.

Naging kontrobersyal itong si Pura Luka matapos na mag-viral ang post nito sa social media kung saan makikitang sumasayaw ito sa kantang “Ama Namin” kasama ang supporters nito. Mistulang ginaya rin nito ang imahe ng Mahal na Poong Nazareno habang sumasayaw.

Sinalubong naman ng kaliwa’t kanang batikos ang post nitong si Pura at nagresulta sa pagdedeklara sa kanya bilang “persona non grata” sa ilang lugar dito sa bansa. Pero imbes na humingi ng tawad ay buong pagmamalaki pa nitong ipinagtanggol ang kanyang ginawa at sinabing ito raw ay isang uri ng “art”.

Ilang kaso rin ang isinampa dito ng iba’t ibang religious sect pero ang kanyang pagkakaaresto ay sanhi ng warrant of arrest na ibinaba ng Manila Regional Trial Court Branch 36 “For violation of Article 201 of the Revised Penal Code and the Cybercrime Prevention Act of 2012”. Dahil dito ay kinakailangan ngayon ni Pura na magbayad ng piyansa na nagkakahalaga ng P72,000 para sa kanyang pansamantalang kalayaan.

There is no such thing as absolute freedom of expression na ang ibig pong sabihin ay hindi basta pwedeng gumawa ng mga aksyon na tulad na ginawa nitong si Pura na hindi pwedeng papanagutin sa batas.

Sa aking opinyon, hindi panggigipit sa LGBTQ ang mga kasong isinampa laban kay Pura. Hindi dapat isama o idikit ang pagiging isang “trans” ni Pura dahil hindi naman ito ang isyu.

Ang pinakamagandang magagawa nito ngayon ay ang paghingi ng paumanhin sa mga taong kanyang natapakan o nasaktan dahil sa kanyang ginawa.

Sabi nga ng isang kaibigan matapos makita ang nag-viral na post nitong si Luka, “Pasalamat siya at ang mga Kristiyano ang binastos niya dahil kung ibang relihiyon ay baka may pinaglagyan na siya”.

283

Related posts

Leave a Comment