QUE KIDNAP-SLAY MAITUTURING NANG CASE SOLVED – PNP

MAITUTURING na ng Philippine National Police (PNP) na lutas na ang kaso ng pagdukot at pagpatay sa negosyanteng si Anson Que at driver nito na si Armanie Pabillo pero hindi pa sarado.

Sa isinagawang press briefing nitong Lunes ng hapon sa Camp Crame, sinabi ni PNP Spokesperson Brig. Jean Fajardo, na hawak na nila si Gong Wei Li, alyas Kelly at Wu Jabing makaraang maaresto habang naka-check-in sa kilalang hotel resort sa Station 2 sa Isla ng Boracay, Sabado ng hapon.

Nauna nang naaresto ang tatlong suspek kabilang si David Tan Liao na itinuturing na isa sa mastermind, at nagdawit sa kanyang extra-judicial confession kay Alvin Que na anak ni Anson.

Sa loob mismo ng kwarto inaresto ang dalawang suspek dakong ala-01:54 ng hapon ng pinagsanib na pwersa ng Philippine National-Police (PNP-CIDG), Armed Forces of the Philippines (AFP) at National Security Council (NSC).

Si Kelly ay tumatayong ransom negotiator sa pagdukot kay Que at driver nito, at sinasabing mastermind sa pagdukot at kontrolado rin ang e-wallet na ginamit sa P200 milyon ransom money na binayad ng pamilya Que.

Habang si Jabing na isang hairdresser na Chinese national ang nagbu-book ng kanilang hotel kapag sila ay nagpapalipat-lipat ng pagtataguan.

Napag-alaman ng pulisya na sumakay sa isang pribadong jet si Kelly kasama ang kanyang pamilya mula Manila patungong Boracay at doon sila namalagi ng mahigit isang buwan bago naaresto.

Si Kelly rin umano ang nagbantay kina Que at Pabillo sa isang safehouse sa Meycauayan, Bulacan bago pinatay ang mga ito at itinapon sa Sitio Udiongan, Barangay Macabud, Rodriguez, Rizal noong Abril 19, taong kasalukuyan.

(TOTO NABAJA)

90

Related posts

Leave a Comment