TARGET NI KA REX CAYANONG
SA panahong laganap ang maling impormasyon at paninira sa social media, nananatiling matatag si Quezon Gov. Helen Tan sa kanyang paninindigan. Aba, ang tunay na serbisyo ay hindi kailanman kailangang ipagyabang o gawing instrumento ng pulitika.
Isa sa malinaw na mga patunay nito ang kamakailan niyang pahayag tungkol sa isang ambulansyang buong pusong idinonate ng kanyang pamilya — hindi gamit ang pondo ng bayan, kundi mula sa sariling sikap.
Ang donasyong ito ay tugon sa patuloy na pangangailangan ng mga bayan sa agarang serbisyong pangkalusugan, at hindi ito bahagi ng anomang gimik o propaganda.
Isa itong simbolo ng tunay na malasakit — isang lider na handang gumugol ng sariling yaman para sa kapakanan ng kanyang mga kababayan.
Ngunit habang may mga gumagawa ng tahimik at tapat na serbisyo, hindi rin nawawala ang mga taong pilit na binabaluktot ang katotohanan.
Kaya makatarungan lamang ang panawagan ni Gob. Tan na maging mapanuri sa mga nababasa online.
Ang mga pekeng balita at troll posts ay hindi lamang naninira ng dangal, kundi humahadlang din sa pagbibigay ng tamang impormasyon sa publiko.
Ang panawagan ni Gob. Tan na i-report, i-block, at huwag makipag-engage sa ganitong klase ng post, ay dapat pakinggan at isabuhay ng bawat mamamayan.
Sa isang lipunang nilalason ng fake news, ang katotohanan ang dapat nating panigan.
Kaya sa huli, sa mga tulad ni Gov. Tan — na tapat sa serbisyo, totoo sa salita, at may pusong handang magbigay kahit hindi obligadong gawin — nararapat lamang ang ating tiwala at suporta.
Dahil ang serbisyong may puso ay hindi maikakaila, kahit paulit-ulit itong tangkaing siraan.
Ikalat po natin ang mga hashtags na #SerbisyongTunayAtNatural, #NoToFakeNews, at #WeSTANStrongerTogether.
