BISTADOR ni RUDY SIM
TRENDING na ang insidente kung saan ay ‘G NA G’ si Bureau of Immigration (BI) Commissioner Joel Viado na pumasok sa isang meeting ng ilang matataas na opisyales ng ahensya na nagsasagawa ng pagpupulong para sa pagsusulong ng modernisasyon upang mapabilis ang proseso ng mga dayuhang nasa bansa at maiwasan ang matagal nang bulok na sistema na pinagmumulan ng korupsyon.
Ayon sa nakalap nating impormasyon mula sa mga Maritess sa BI, habang nasa kalagitnaan umano ng naturang meeting na isinagawa sa main office noong nakaraang Biyernes, ay galit na galit na pumasok si Kume Vayad-O este Viado pala, na nagtaas ng boses at pinagmumura ang mga division chief, at maging ang kanyang deputa ay mali, deputy pala na si Daniel Laogan ay hindi nakaligtas at dinuro umano ni Kume. Anyare?
Tila sa naturang araw na iyon ay pinapatapos umano ni Kume ang usapin upang mapirmahan at makapagsagawa na ng bidding (kuno) para sa P4 billion project na kailangan nang maipasa sa lalong madaling panahon sa DOJ, na siyang may final approval para sa naturang project. Bakit kaya nakikialam itong si Kume kahit na wala ito dapat sa nasabing pagtitipon dahil hindi siya kasama sa meeting? May pressure ba Kume Sir, para sa napakalaking project na ito?
Ang naturang meeting umano ay hindi natapos dahil mismong ang mga opisyales dito ay nabigla sa inasal ni Kume… Bakit kaya? Mayroon kayang Korean sa project na ito? (Magkanu koryan). Bakit kaya sa kabila ng mga kapalpakan ni Kume Viado ay tikom ang bibig ni Bondying samantalang noong hindi nito bata ang nakaupong Kume ay putak nang putak na isinisiwalat ang katiwalian ng ahensya na nasa ilalim naman ng kanyang kapangyarihan.
Bakit hindi mo pagtuunan ng pansin Kume, na mapalakas ang kita ng ahensiya upang hindi bagsak ang koleksiyon ng BI dahil kung hindi ninyo ramdam na nabawasan ng 20% ang inyong augmentation pay ay malaking kabawasan ito sa kawawang mga empleyado na lumalaban nang patas para sa kanilang pamilya. Speaking of Kume, aba’y, tila naging tagapagmana nito ang dakilang tauhan nito na talamak na fixer na si alias Don Gil. Biruin ba naman ninyo, tinalbugan pa nito ang ibang opisyales ng BI sa slot ng parking at kapal ng mukha nitong iparada ang kanyang puting SUV na Nissan Terra sa harap ng BI building? Iba na talaga ang magaling mag-fixing, ano po?
Samantala, gaano kaya katotoo ang sumbong sa atin na mayroon diyan sa NAIA terminal 1 ang nagpapalusot kada gabi ng mga dayuhang Chinese na pinapayagan nilang hindi magbayad ng penalties para sa overstay? Hindi ba’t malaki ang nawawala sa kabang yaman ng gobyerno ng inyong ginagawa?! Sino kaya ang nagbigay ng pahintulot na gawin ito? Alam kaya ito ni Kume at ng terminal head ng T1 na si Jonathan Fernando, Sir alam mo ba ginagawa ng mga tao mo?
Dito naman tayo sa T3, aba’y balita natin ay siga raw rito ang isang opisyal na anak ng dating lawyer ng legal division na suki ng entrapment. Hmm… teka! Sino itong duty immigration supervisor sa terminal 3 na ipinahamak ang isang bagito na immigration officer na pinatatakan sa kanya ang pag-alis ng dayuhan kahit mayroon itong derogatory?
Agad umanong pumutok ito makaraang makaalis ang dayuhan at ang pinutukan ay ang kawawang IO na nagtatak. Habang ikot ang tumbong ng Kumag na supervisor na posibleng kumita rito ay sinalo naman umano ito ng mataas nga na opisyal ng T3 na malapit din kay Kume. Aba’y bad yan!
Sa susunod ay ating ibibisto ang pagkatao ng mga kumag na ito sa airport na dumiskarte para sa kanilang pansariling bulsa… ABANGAN!
(Ang mga ipinapahayag sa kolum na ito ay sariling opinyon ng sumulat at hindi saloobin ng pahayagang SAKSI Ngayon – Patnugot)
