QUEZON – Nahaharap sa kasong paglabag sa RA 9262 (psychological abuse) ang hepe ng pulisya sa isang bayan sa lalawigan makaraang maaktuhan ito ng kanyang misis na guro na may kasamang ibang babae sa isang hotel sa Tayabas City noong Martes ng gabi.
Ayon sa report, dakong alas-3:30 ng madaling araw nitong Miyerkoles, personal na nagtungo sa Tayabas City Police Station ang 42-anyos na misis upang ireklamo ang kanyang 41-anyos na pulis na mister na nahuli nito sa loob ng Roadside Hotel sa Barangay Wakas, Tayabas City, na walang anomang saplot, kasama ng umano’y kabit nitong babae.
Nagkaroon ng komosyon sa hotel subalit nagawang makasakay ng sasakyan ng hepe kasama ang babae patungo sa direksyon ng Lucena City.
Bago ang insidente, nakita ng biktima ang mister na kausap ang nasabing babae sa messenger at nagpadala pa umano ito ng malalaswang larawan, naging sanhi ng matinding emosyonal na paghihirap at pagdurusa sa biktima.
Kasalukuyang nagsasagawa ng follow-up operation ang mga tauhan ng Tayabas City Police para sa posibleng pag-aresto sa mga suspek.
(NILOU DEL CARMEN)
