(NELSON S. BADILLA)
NABISTO ang ilegal na gawain ng isang retiradong police colonel na konektado ngayon sa National Bureau of Investigation (NBI) makaraang inguso ang kanyang pangalan ng nadakip na mga suspek sa sindikato ng robbery extortion.
Iimbestigahang mabuti ng NBI – Special Action Unit (SAU) ang kaso nina Frexy Antonio Villamor at Ronnie Villamor Jr. upang matukoy ang eksaktong papel ni Col. Miguelito Sañosa Paterno sa gawain nilang robbery – extortion.
Lumutang ang pangalan ni Paterno habang iniimbestigahan ang dalawang Villamor matapos silang masakote kamakalawa sa Brgy. Palanan, Makati City.
Nahuli ng mga operatiba ng NBI – SAU ang dalawang suspek habang nakasakay sa pulang kotse, at nakuha sa kanila ang P250,000 entrapment money, kabilang ang P10,000 na totoong pera, cellular phone, mga baril at iba pang gamit.
Ang P250,000 ang siyang hinihinging halaga ng mga suspek sa biktima na kanila ring tinakot.
Sa imbestigasyon, lumitaw na ang tatlong nakumpiskang baril sa mga suspek ay nakapangalan kay Paterno.
Bukod sa mga baril, nakuha rin sa mga suspek ang maraming bala ng iba’t ibang kalibre ng mga baril, mga gamit ng NBI at iba pa.
Ang dalawang Villamor ay sinampahan na ng mga kasong “robbery”, “extortion” at “illegal possession of firearms and ammunitions” sa piskalya ng Makati.
Ang robbery at extortion ay bilang paglabag sa Article 294 ng Revised Penal Code at ang illegal possession of firearms and ammunitions ay paglabag naman sa Presidential Decree 1866 na inamiyendahan ng Republic Act 8294.
696 