CAVITE – Patay ang isang 27-anyos na rider nang bumangga ang minamanehong motorsiklo sa isang kongretong bakod sa Bacoor City sa lalawigang ito.
Idineklarang dead on arrival sa St. Dominic Hospital ang biktimang si Vincent Esconde Santander dahil sa matinding pinsala sa katawan.
Ayon sa ulat ni P/SSgt. Francis Mark Cortez ng Bacoor Police, dakong alas-2:30 ng hapon noong Biyernes nang mangyari ang insidente habang minamaneho ng biktima ang kanyang motorsiklo at binabagtas ang
Evangelista Road sakop ng Brgy. Banalo ng nasabing lungsod patungo sa direksiyon ng bayan ng Kawit.
Ngunit pagsapit sa isang palikong bahagi ng kalsada habang pakaliwa ang biktima ay nawalan ito ng panimbang naging dahilan nang pagtama ng motorsiklo sa gutter hanggang sa dumiretso sa kongkretong bakod.
Agad isinugod sa ospital ang biktima ngunit hindi umabot nang buhay. (SIGFRED ADSUARA)
202 