ROAD SAFETY AT HEALTH EMERGENCY RESPONSE TEAMS, PINATITIYAK NA NAKAHANDA SA HALALAN

BINIGYANG-DIIN ni Senador Sherwin Gatchalian ang kahalagahan ng pagpapakalat ng road safety at health emergency response teams upang matiyak ang kaligtasan ng publiko, lalo na habang nagsisibalikan ang mga Pilipino sa kanilang mga lalawigan upang bumoto.

Ayon kay Gatchalian, inaasahan ang pagtaas ng dami ng mga sasakyan sa kalsada kasabay ng matinding init ng panahon, kaya’t napakahalaga ng presensya ng mga nasabing response teams.

Ang mga ito anya ay dapat nakikipag-ugnayan nang mabuti sa mga tagapagpatupad ng batas at mga awtoridad sa trapiko upang matiyak ang maagap, organisado, at epektibong pagtugon sa anumang aksidente o medical emergencies.

“Kailangang mabilis, maagap, at maayos ang aksyon para matiyak ang ligtas na biyahe ng bawat Pilipino,” saad ni Gatchalian.

Binanggit din ng senador na hindi lamang sa mga toll road dapat nakapokus ang paghahandang ito kundi dapat saklawin din ang lahat ng pangunahing lansangan sa buong bansa.

Ang pahayag ni Gatchalian ay tugon sa inaasahang pagdagsa ng mga biyahero kung saan layunin ng mga awtoridad na maiwasan ang anomang abala o panganib sa daan.

(DANG SAMSON-GARCIA)

65

Related posts

Leave a Comment