MAGTATAGAL pa sa Pilipinas ang Russian-American vlogger na si Vitaly Zdorovetskiy dahil tuturuan ito ng leksyon para irespeto ang mga Pilipino.
Ayon ito kay Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Jonvic Remulla.
Ayon kay Remulla, hindi muna ipapa-deport at mananatiling nakakulong sa regular detention cell ng Bureau of Immigration (BI) ang Russian-American vlogger bilang isang undesirable alien at nakatakdang sampahan ng kasong criminal dahil sa mga pinaggagawa nitong kabastusan sa ilang kababayang Pinoy.
Limang kasong kriminal ang isasampa sa Russian vlogger dahil bukod sa mga insidente sa BGC ay may iba pa itong kaso katulad ng pang-iinsulto nito sa isang wind surfing instructor sa Boracay island.
Ayon sa kalihim, gumagawa ng vlogs si Zdorovetskiy at pinagkakakitaan niya ito kaya hindi ito papayagang mambastos at mang-insulto ng mga Pinoy.
Samantala, hindi nagbibiro ang gobyerno pagdating sa mga dayuhan na mangha-harass ng mga Pilipino.
Pahayag naman ito ni Presidential Communications Office Undersecretary at Palace Press Officer Claire Castro sa press briefing sa Malakanyang matapos arestuhin ang vlogger na si Zdorovetskiy sa isang hotel sa Pasay City noong nakaraang Miyerkoles.
“Iyan po ay nagpapatunay lamang po na tayo po ay hindi nagbibiro; kung dapat may managot ay dapat panagutin,” ang sinabi ni Castro na tila babala na ito sa foreign social media creators na nasa bansa at nagpaplanong bumisita sa bansa.
Sinabi ni CIDG chief Police Major General Nicolas Torre III na inaabala umano ng vlogger ang mga Pilipino at nagpakita ng “disruptive behavior” sa kanyang livestream sa Bonifacio Global City (BGC) sa Taguig City.
(TOTO NABAJA/CHRISTIAN DALE)
