(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)
MAY nakababahalang prediksyon ang dating tagapagsalita ni Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr. (PBBM) ukol sa magiging kinabukasan ng ating bansa—ang pagbagsak ng ating ekonomiya at pagkabangkarote ng Pilipinas.
Iyan ang maaanghang na pahayag ng dating opisyal ng Malakanyan at ngayo’y tumatakbong senador na si Atty. Vic Rodriguez na nagsabing ang mga hawak niyang ebidensyang magpapatunay na may mga bahaging item sa 2025 General Appropriations Act (GAA) o national budget na walang pirma o lagda.
“Bangkarote, sapagkat makikita naman natin, kung ganito ho ang uri ng ating mga mambabatas, mga kongresista at senador, nagpapasa po ng ₱6.326 trilyong national budget base sa blangkong bicameral conference committee report, hindi po malayong mababangkarote tayong mga Pilipino!” mariing deklarasyon ni Rodriguez.
Sa isinagawa nitong post sa Facebook Live noong Martes, Abril 1, na pinamagatan niyang ‘BANGKAROTE’, ipinakita ng dating executive secretary ni PBBM ang hawak niyang certified true copy ng nabanggit na papeles upang igiit na may basehan ang kanilang petisyon sa Supreme Court na muling busisiin ang nabanggit na national budget.
Matatandaang noong Enero 2025, naghain si Atty. Rodriguez at Davao City Representative Isidro Ungab ng petisyon sa Korte Suprema na naglalayong ipawalang-bisa ang GAA na tinukoy nilang “ilegal, kriminal at unconstitutional.”
Inakusahan din nila ang mga senador at kongresistang hindi tumutol upang maipasa ang national budget na kasabwat umano sa tinawag nilang “biggest money heist of the century.”
Sa kanyang live program, ibinalandra ni Rodriguez ang ilang pahina ng report na aniya ay walang pirma at aabot umano sa 18 item.
Pinasinungalingan niya ang kumakalat na ‘fake news’ mula sa isang mambabatas na walang basehan ang kanilang petisyon laban sa GAA. Paliwanag niya, “kapag na-bankrupt ang pamahalaan ay mangungutang ito at ang magbabayad ay ang mamamayang nagbabayad naman ng buwis.”
“Kung wala na po tayong pera, mangungutang po ang gobyerno at ‘pag nangutang po ang gobyerno, babayaran natin ‘yon. Babayaran po natin ‘yon sa pamamagitan ng ating mga buwis,” paglilinaw ng batikang abogado.
Inilarawan pa niya ang bicameral conference committee report na “siksik, liglig at umaapaw” sa mga blangkong pirma.
“Kaya po tayo ay nagtungo na sa Korte Suprema para matigil na po itong malpractice na ito na pagsasalaula sa ating Saligang-Batas. Hindi po dapat natin pinahihintulutan dahil pera po nating mga Pilipino ito eh,” pinunto niya.
Matatandaang ipinagdiinan na nina House Speaker Ferdinand Martin Romualdez at Senate President Francis ‘Chiz’ Escudero na walang katotohanan ang mga ibinabatong akusasyon tungkol sa isyung ito.
“The General Appropriations Act, which is the product of any committee or conference committee report, is what is being questioned. That law is complete—there are no blank entries, no omissions, and the amounts add up. Please understand, the budget has around 200,000 lines with titles, project names, and amounts written down,” pahayag ng senate president.
Sa gitna nito, wala pang tugon, reaksyon o kasagutan ang dalawang lider ng Kongreso tungkol sa mga pasabog ni Atty. Rodriguez.
