OFW NA NAKAKULONG SA IBANG BANSA, HUMIHINGI NG SAKLOLO

KAGABI sa aming programa na Usapang Pangkapayapaan-Usapang Pangkaunlaran o UP UP Pilipinas kasama si Philippine Air Force Colonel Geraldo Zamudio, ang aming topic ay ukol sa “ethics in Online Broadcasting” at ang aming bisita ay isang batikan sa online broadcasting at Pangulo ng Philippine Online Broadcaster Association (POBA) na si Eroll Consulta Dacame.

Maraming magagandang impormasyon ang naibahagi ni ginoong Dacame at umaasa ako na maraming mga online broadcaster ang mas naliwanagan sa mahalagang parte na kanilang gagampanan sa paghahatid ng tamang impormasyon at pati na rin sa pagbibigay ng tulong sa mga taong nangangailangan.

Naisingit din namin sa aming programa ang panawagan ng isang ina na kung saan ay ang kanyang anak na nagtatrabaho sa bansang Kuwait ay pinagbintangan at idinawit sa isang kasalanan na hindi naman niya ginawa.

Habang nagsasalaysay si Nanay Mirasol ay agad kong tinawagan sa telepono ang masipag na Overseas Workers Welfare Administartion (OWWA) Welfare Officer sa Kuwait na si Atty. Llewelyn Perez at kanyang napakinggan ang pagsusumamo ni Nanay Mirasol.

Agaran naman kumilos si WelOF Perez at nakuha na agad ang mga detalye ni OFW Mark Jason Javier at ito ay nakikipag-ugnayan na ngayon sa Assistance to National Unit (ATNU) ng Philippine Embassy at sa employer ni OFW Javier. Tiniyak ni Welof Perez na kanyang tututukan at bibigyan ng ayuda ang mga pangangailangan ni OFW Javier habang ito ay nasa kulungan.

Samantala, isang liham din ang aking natangap mula naman kay OFW Maylord Hidalgo, 30 taon gulang at kasalukuyan na nasa Dammam, Saudi Arabia.

Siya ay nagsusumamo na matulungan na makauwi sa Pilipinas sa madaling panahon. Dumating sya sa nasabing bansa noong Agosto 4,2017.

Narito ang ilang bahagi ng kanyang liham :” Ako po si Maylord Hidalgo, humihingi po ng tulong na makauwi na sa ating bansa. Hindi po ako binigyan ng iqama ng aking amo sa loob ng tatlong taon. Ngayong pauwi na ako at gusto kung magbakasyon,sabi sa akin ng boss ko,madali lang. Pero ang ginawa,pinadampot po ako sa mga police at mistulang sa akin ipinaako ang kasalanan ng kumpanya na hindi pagbibigay sa akin ng residency visa. ”

Labing limang araw po akong nakulong sa Qatif at Al Khobar.Noong lunes inilipat na naman kami dito sa Riyadh.Natatakot na po ako sa aking kalagayan. Kung sino- sinong tao,iba ibang lahi ang nakakasalamuha ko at yung iba may mga sakit.

“Kinumpiska ng pulisya ang a king telepono kung kaya hindi ko na rin makausap ang aking pamilya.”

Nakapagreport na rin po ako sa ating embahada ang sabi lng sa akin nasa proseso daw ako ng deportation.Bakit po ganun samantalang amo ko ang may kasalanan.Ang gusto ko lng po sana matulungan ako makalaya dito at kahit sa Bahay Kalinga na muna ako dahil nag aalala ako dito sa aking kalusugan hanggang sa makauwi ako.

“Sana po ay matulungan nyo na po ako na makaalis dito at makauwi na sa ating bansa.Sobrang nag aalala na po ang aking pamilya.Maraming maraming salamat po”.

Ang AKOOFW ay taos pusong nanawagan sa ating mga embahada sa Kuwait at Saudi Arabia, upang masiguro na mapagkalooban sila ng karampatang tulong na legal.

oOo

Kung mayroon kayong nais idulog o ipaabot sa inyong abang lingkod, maaari kayong sumulat sa akin sa e-mail address saksi.ngayon@gmail.como drchieumandap@yahoo.com o tumawag sa 09081287864.

104

Related posts

Leave a Comment