DPA Ni BERNARD TAGUINOD
BAWAT ahensya ng gobyerno ay nagrerekomenda ng budget na karaniwang ginagawa sa first quarter ng taon para sa kanilang mga programa at proyekto ng susunod na taon.
Kung pagbibigyan lahat ang proposed budget ng bawat ahensya baka hindi lang limang (5) trilyong piso ang kakailanganing pambansang pondo kundi baka abutin pa ng sampung (10) trilyong piso.
Pero ang Department of Budget and Management (DBM) ang magpapasya kung magkano lang ang pondo na dapat aprubahan mula sa inirekomenda ng isang ahensya na siya naman nilang isinusumite sa Kongreso para aprubahan dahil walang pondo ng gobyerno ang hindi dadaan sa approval ng mga mambabatas sa dalawang kapulungan.
Kaya nga may mga ahensya ang nagrereklamo kung bakit ang liit ng pondo na inaprubahan ng DBM pagdating sa budget hearing gayung kailangan na kailangan nilang ponduhan ang ganito, ang ganoon.
Ang problema naman sa karamihan sa mga ahensya ng gobyerno, bibigyan mo sila ng pondo pero hindi naman nila ginagastos at karaniwang naaabutan ng deadline kung kailan nila dapat gastusin ang kanilang pondo.
Napapaso ang lahat ng budget pagsapit ng ika-31 ng Disyembre ng taon. Ibig sabihin, dapat bago sumapit ang petsang ‘yan ay nagastos na nila ang lahat ang kanilang pondo lalo na ‘yung nakalaan sa mga proyekto na pakikinabangan ng mga tao.
Pero may mga ahensya ang hindi nagagastos ang pondo na kanilang hiningi para sa mga programa at proyekto na pakikinabangan sana ng mga tao kaya dinidiskartehan nila.
Nakasaad kasi sa batas na lahat ng pondo na hindi nagamit pagsapit ng katapusan ng taon ay dapat ibalik sa Bureau of Treasury (BTr) kaya para maiwasan iyan, inilalagak nila ang pondong ‘yan sa Procurement Service ng Department of Budget and Management (PS-DBM) at Philippine International Trading Corp. (PITC) ng Department of Trade and Industry (DTI).
Sangkatutak ang pondo na inilalagak ng mga ahensya ng gobyerno sa dalawang ahensyang ito para maiwasang mapaso at maibalik sa Bureau of Treasury, para ang mga
ahensyang ito na lamang ang mag-procure sa mga proyekto na hindi nagawa ng mga pinuno ng mga departamento.
Pero dahil walang expertise ang mga ahensyang ito sa procurement, natatagalan ang pagbili ng mga bagay-bagay na pakikinabangan sana ng mamamayan tulad ng karagdagang fire trucks.
Ang problema rin, lahat ng binibili ng dalawang ahensya ay overpriced at outdated na kaya imbes na maraming mabibili ay kokonti na nga lang at hindi pa mapakinabangan.
Nasasayang lang ang pondo sa ganitong diskarte ng government agencies. Hihingi ng pondo pero hindi naman kayang gastusin kaya ang biktima, hindi ang gobyerno kundi ang taxpayers.
Wala pa akong narinig na ahensya ng gobyerno na nagbalik ng pondo sa BTr dahil ang iba naman, pagdating ng fourth quarter ng taon, sangkatutak na ang proyektong ginagawa sa kanilang institusyon…Tingnan n’yo ang Kamara walang tigil sa paggasta.
