PUNA Ni JOEL AMONGO
MARAMING naniniwala na sa pamamagitan ni BGen. Jonnel Estomo, bilang bagong hepe ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ay gaganda ang seguridad sa Metro Manila na kanyang nasasakupan.
Ang National Capital Region (NCR) ay nasasakupan ng labing-pitong Local Government Units (LGUs) na binubuo ng labing-anim (16) na lungsod at isang munisipalidad.
Ang mga ito ay ang Caloocan, Malabon, Navotas, Valenzuela, Marikina, Pasig, Taguig, Makati, Manila, Mandaluyong, San Juan, Pasay, Parañaque, Las Piñas, Muntinlupa, Quezon City at ang nag-iisang munisipalidad sa rehiyon ang Pateros.
Balikan po natin si BGen. Estomo, siya ay nagtapos sa Philippine Military Academy “Tanglaw Diwa” Class of 1992.
Siya ay naitalaga bilang Regional Director ng NCRPO noong Agosto 8, 2022.
“I hereby assume the position as the acting regional director of National Capital Region Office, Philippine National Police, effective August 8, 2022, and I signed,” ani Estomo sa isinagawang command ceremony sa Camp Bagong Diwa.
“We will remain steadfast in our fight against criminality, especially against illegal drugs, but as such as we expect our best effort to eliminate crime, we must do so with a high standard for human rights, even of those who criminalize themselves,” dagdag pa niya.
Sinabi ni Estomo na susundin niya ang marching orders sa kanya ni President Ferdinand Marcos, Jr. para panindigan ang Philippine Constitution sa lahat ng panahon.
Pinalitan ni Estomo si dating NCRPO chief, Police Major General Felipe Natividad na nalipat naman bilang bagong director ng Area Police Command-Northern Luzon.
Natatandaan ng PUNA na si BGen. Estomo ay naging pinuno ng Anti-Kidnapping Group (AKG) sa Camp Crame na madalas tayo ang naaatasan ng pamunuan ng SAKSI NGAYON na mag-ulat ng kanyang accomplishments.
Naitalaga rin si sir Jonnel sa Police Regional Office 5 bago siya napunta sa Area Police Command Southern Luzon.
Bagamat napunta na si BGen. Estomo sa Region 5 ay tayo pa rin ang nag-uulat ng kanilang magagandang trabaho sa nasabing lugar.
Kaya nasubaybayan natin siya sa ilan niyang mga pwesto, lalo na sa AKG Camp Crame, marami silang nailigtas na mga biktima ng kidnapping.
Kung ano ang paniniwala ng taumbayan sa galing ni BGen. Estomo ay ganun din tayo dahil nalaman natin kung paano siya magtrabaho.
Kaya kayong kidnappers, magtago na kayo dahil ang hepe ng NCRPO ngayon ay eksperto sa anti-kidnapping operations. Good Luck General, Sir!
oOo
KIDNAPPING SA CALOOCAN FAKE NEWS – MALAPITAN
Kamakalawa, naglabas ng opisyal na pahayag si Caloocan City Mayor Along Malapitan kaugnay sa balita na may tangkang pagdukot sa isang bata sa Barangay 162.
Lumabas sa imbestigasyon ng mga barangay official ng Brgy. 162 at ng Caloocan City Police na walang katotohanan ang ulat na pangingidnap.
Sus, Ginoo man Dong! Bakit n’yo ginagawa yan? Nakakalarma kayo sa mga tao.
Inamin na rin ng bata na sinasabing biktima ng kidnapping, na walang katotohanan ang pangingidnap sa kanya. Gabayan sana ng mga magulang ang bata, nang hindi napapaso sa apoy.
‘Yan ang sinasabi kong magbalut-balot na kayong mga totoong kidnapper at pati na rin kayong nagpapalakat ng mga pekeng balita (fake news) ng kidnapping dahil yari kayo kay BGen. Estomo at siyempre sa tulong na rin ng Metro Manila mayors.
oOo
Para sa suhestiyon at reaksyon, mag-email sa joel2amongo@yahoo.com o mag-text sa cell# 0977-751-1840.
