SCIENCE-TO-MARKET PARTNERSHIPS ISINUSULONG PARA SA FOOD SECURITY

ITINUTULAK ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang mas matibay na partnership sa pagitan ng government scientists at private manufacturers upang maisulong ang research at mass production ng mga food technology na makatutulong sa nutrisyon at food security.

Nanawagan ang Pangulo matapos niyang inspeksyunin ang operasyon ng Nutridense Food Manufacturing Corp. (NFMC) sa Sta. Barbara, Pangasinan, kung saan nasaksihan niya ang komersyalisasyon ng food technologies na binuo ng Department of Science and Technology–Food and Nutrition Research Institute (DOST-FNRI), sa tulong ng DOST Small Enterprises Technology Upgrading Program (SETUP).

“The government is the one doing the R&D. Pati na ‘yung scaling para ‘yung nagawa sa laboratoryo ay pwede nang gawin in mass manufacturing,” ani Pangulong Marcos.

Ayon sa Pangulo, hindi lamang pagbuo ng teknolohiya sa government laboratories ang hamon kundi ang pagdadala nito sa production stage upang maging available at maabot ng mas maraming Pilipino.

Sa ilalim ng SETUP, nagbibigay ang DOST ng technology equipment support sa mga negosyo at proyekto upang mapahusay ang kanilang productivity at production capabilities.

Ayon sa ulat, ginamit ng Nutridense ang naturang assistance, kasama ang mga teknolohiyang binuo ng DOST-FNRI, upang mapalawak ang manufacturing operations nito.

Kabilang sa mga produkto ng kumpanya ang nutrient-enriched food na ibinibigay sa Department of Social Welfare and Development (DSWD) at mga paaralan, kabilang ang mga produktong idinisenyo para sa mga bata at mga nagdadalang-tao.

Itinuring ni Pangulong Marcos ang paglago ng Nutridense bilang halimbawa ng potensiyal ng pag-uugnay ng government research at private-sector manufacturing.

Mula sa dalawang milyon noong 2013, umabot na sa 10 milyon ang taunang produksyon ng kompanya, habang lumaki naman ang workforce nito mula pitong empleyado hanggang mahigit 300.

Bukod sa food production, sinabi ng Pangulo na mahalaga rin ang direktang pagkuha ng raw materials mula sa mga lokal na magsasaka.

(CHRISTIAN DALE)

75

Related posts

Leave a Comment