SINDIKATO SA LIKOD NG AGRI SMUGGLING

Ni JOEL O. AMONGO

HABANG abala ang mga mamamayan sa pinanabikang halalan, sinasamantala naman ng mga utak sindikato ang pagkakataong magkamal ng milyon-milyon sa diskarteng smuggling ng mga produktong agrikultura, sukdulang maperwisyo ang mga magsasaka.

Katunayan, umaaray na ang mga magsasaka mula sa La Trinidad, sa lalawigan ng Benguet. Anila, hilahod na sila dahil ang kanilang ani ay binabarya ng mga negosyanteng mapagsamantala.
Sa isang banda, hindi ang mga ganid na kapitalista ang ugat ng problema kundi ang mismong kagawaran at kawanihang kasapakat kundi man nakapikit ang mga mata.

Kwento ng mga magsasaka, luging-lugi na sila. Sa kanilang pagtatala, aabot sa P2.5 milyon kada araw ang nawawala nilang kita.

Ang kanilang ani, hindi na mabili kasi naman nagkalat na sa mga pamilihang bayan ang mga smuggled na gulay na ‘di hamak na mas mura kumpara sa kanilang paninda.
Taong 2021 pa nang sila’y manawagan at umasang sila’y masasaklolohan. Pero sa halip na tugunan, lalo pa silang nabaon dahil sa garapalang smuggling sa mga pantalan ng mga gulay na galing sa bansang Tsina.

Hinanakit ng mga magsasaka ng La Trinidad, wala silang makitang malasakit mula sa pamahalaan. Dangan naman kasi, ang agri smuggling lalo pang dumami. Sa kanilang datos, 40% ng mga gulay sa mga pamilihang bayan, pawang smuggled mula sa Tsina.

Ang siste, mismong ang mga eksperto ang nag­sabing hindi ligtas kainin ang anumang inangkat na produktong agrikultura lalo pa’t hindi naman dumaan sa tamang pagsusuri ng mga dalubhasa sa siyensya.

Susmaryosep! Tama ang aking hinala – mga pagsalakay sa mga bodega, drama lang pala sa hangaring magmukhang bida habang palihim na tumataba kanilang mga bulsa.

Ang malinaw, pinapatay ng mga smugglers ang mga magsasaka, gayundin ang industriya ng agrikultura. Sa puntong ito, wala ng silbi ang mga ahensyang may kinalaman sa agrikultura. Ang dapat sa kanila, buwagin, kasi naman inutil na nga dagdag gastos pa.

Sana lang pag-upo ng susunod na Pangulo, kalingain ang sektor ng agraryo.

102

Related posts

Leave a Comment