WALANG tulak-kabigin sa PBA Philippine Cup finals sa pagitan ng TNT at SMB makaraang itabla ng Tropang GIGA ang serye sa 2-2 matapos talunin ang Beermen, 100-87, kamakalawa sa Game 4 sa Araneta Coliseum.
Kumamada si SMB star June Mar Fajardo ng 20 points at 19 rebounds, ngunit tinapatan siya ni TNT veteran Jayson Castro na kumana ng 26 points at six assists.
Nagdagdag si Roger Pogoy ng 21 points, Mikey Williams (15) at Kelly Williams (14) para sa Tropa na may three turnovers lang — fewest ever sa isang PBA game.
Nag-ambag si Beermen Marcio Lassiter ng 14 points, ngunit nalimitahan si CJ Perez sa 13 points on 4-of-11 shooting. Si Perez ay may average 18.3 points per game sa naunang three games ng best-of-seven finals.
Ngayon (Miyerkoles) sa Game 5 sa Big Dome, inaasahang mas magiging mainit ang bakbakan sa pagitan ng TNT at SMB, na mag-uunahang makuha ang crucial 3rd win.
9th BPC NI FAJARDO
RECORD-BREAKER!
KINOLEKTA ni San Miguel center June Mar Fajardo ang kanyang record-breaking 9th PBA Best Player of the Conference honors.
Ang 32-anyos na tinaguriang “The Kraken” ay nag-average ng 18.6 points at 13.3 rebounds per game sa semifinals ng 2022 Philippine Cup. Sa best-of-7 Finals kontra Talk N’ Text, siya ay may 21.3 points at 17 rebounds per game, bukod sa 72% shooting from the field.
Pampitong All-Filipino conference BPC niya ngayong 2022 edition. Mayro’n siyang isa sa 2015 Governors’ Cup at isa pa sa 2018 Commissioner’s Cup.
Huli niyang napanalunan ang BPC noon pang 2019 Philippine Cup. Hindi siya nakapaglaro noong 2020 season dahil sa leg injury.
Nakakuha ang San Miguel big man ng total 1,119 votes — 501 mula sa statistics, 537 media, at 81 player votes. Maliban sa trophy, tumanggap din si Fajardo ng P50,000 cash prize bago ang Game 4 ng 2022 PBA Philippine Cup Finals noong Linggo.
Pumangalawa sa BPC race ang kanyang teammate na si CJ Perez, 776 votes; pumangatlo TNT’s Mikey Williams (610); pang-apat si Ginebra’s Scottie Thompson (468) at Japeth Aguilar (415). (ANN ENCARNACION)
