MAAASAHANG SUPLAY NG TUBIG, HATID NG ONE MERALCO FOUNDATION SA LIBLIB NA BARANGAY SA EL NIDO

SUSTAINABLE NA SUPLAY NG TUBIG PARA SA MGA LIBLIB NA KOMUNIDAD SA BANSA GAMIT ANG SOLAR. Nabigyan na ng serbisyo kuryente ang pangunahing pinagkukuhanan ng suplay ng tubig ng Barangay Sibaltan sa pamamagitan ng Water Access Electrification Program ng One Meralco Foundation (OMF). Nasa larawan sina (L-R) El Nido Mayor Edna Gacot-Lim and OMF President Jeffrey O. Tarayao.

Bilang bahagi ng misyong matulungan ang mga komunidad sa mga liblib na bahagi ng bansa, pinailawan ng One Meralco Foundation (OMF) gamit ang solar power, ang water distribution facility na maghahatid ng maaasahan at sustainable na suplay ng tubig sa mga residente ng Barangay Sibaltan sa El Nido, Palawan.

Sa ilalim ng Water Access Electrification Program, nagkabit ang OMF ng 8-kilowattpeak (kWp) solar
photovoltaic (PV) system para sa operasyon ng Acosta Water Pumping Station. Inaasahang aabot ng
higit sa 300 na kabahayang binubuo ng mga miyembro ng etnikong pangkat ng Cuyunon ang
makikinabang dito.

Ang naturang pumping station, na pinangangasiwaan ng Municipal Economic Enterprises and
Development Office (MEEDO) ng El Nido, ang nagsisilbing pangunahing pinagmumulan ng suplay ng
tubig ng barangay. Bago nagkaroon ng serbisyo ng kuryente, dating gumagamit ng diesel generator ang
pasilidad na nagresulta sa malaking gastusin sa operasyon na mabigat sa bulsa ng MEEDO at ng mga
residente.

Bunsod ng pag-depende sa generator set, madalas maantala ang serbisyo ng tubig sa barangay na nakakaapekto naman sa kabuhayan ng mga residente gaya ng pangingisda at pagsasaka.

“Ang programang ito ng One Meralco Foundation ay napakalaking tulong sa komunidad ng Barangay Sibaltan. Alam naman nating ang tubig ay isa sa mga pangunahing pangangailangan ng tao kaya’t malaking bagay na may ganitong mga inisyatiba na ang tinutulungan ay malalayong mga barangay gaya ng Sibaltan. Sa halip na mag-igib pa ang mga residente, nakakarating na sa kanilang mga kabahayan ang maaasahang supply ng tubig,” pagbabahagi ni El Nido Mayor Edna Gacot-Lim.

Ayon naman kay MEEDO Head Rene Acosta, mas naging episyente ang operasyon ng pumping station mula ng nagkaroon ng maayos serbisyo ng kuryente. Tinatayang umabot na sa 400 na litro ng diesel ang katumbas ng naitipid nila habang pumalo na sa 4,300 cubic meters ng tubig ang naipamahagi ng pasilidad sa daan-daang kabahayan sa barangay.

Ibinahagi rin ni Mr. Acosta ang mga hamong kanilang hinarap dulot ng kakulangan sa suplay ng tubig bago nagkaroon ng suplay ng kuryente sa Barangay Sibaltan sa tulong ng OMF: “Malaki po ang aming gastusin sa fuel at kapag naubusan kami, minsan may araw na hindi kami makapag-operate kasi yung fuel ay kukunin pa namin doon sa bayan kaya minsan sa isang araw, walang supply ng tubig. Ngayon, kaya na mapaandar ang aming pumping station sa pamamagitan ng solar.”

Sa pamamagitan ng programa ng OMF, hindi lamang nabawasan ang pagkonsumo ng diesel ng Barangay Sibaltan kundi nakatulong din ito upang maging kaisa ng El Nido ang barangay sa pagsasabuhay ng sustainability sa pamamagitan ng paggamit ng renewable energy.

“Misyon ng One Meralco Foundation na dalhin ang benepisyo ng pagkakaroon ng serbisyo ng kuryente sa mga liblib at malalayong komunidad ng bansa gaya ng Barangay Sibaltan. Ang paghahatid ng liwanag at pag-asa sa lugar na ito upang mas mapabuti ang antas ng kabuhayan ng ating kapwa Pilipino ang nagbibigay ng saysay at kahulugan sa mga programa at inisyatiba ng Foundation,” sabi ni OMF President Jeffrey Tarayao.

312

Related posts

Leave a Comment