ITINUTURING ng Malakanyang na may ‘malisya’ ang pagkakaunawa ng ilan na ang naging desisyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na alisin ang Bise-Presidente mula sa National Security Council (NSC) ay prelude o panimula sa Batas Militar.
Inalis ni Pangulong Marcos ang Bise-Presidente at mga dating Pangulong ng bansa mula sa NSC upang tiyakin na ang body ay maaaring maka-adapt sa nag-eebolusyon na mga hamon.
Subalit, kagyat na pinuna at sinabi ng dating tagapagsalita ni dating pangulong Rodrigo “Digong” Duterte na si Harry Roque sa kanyang Facebook post noong nakaraang linggo na “Uy, bakit wala [sa] NSC si VP Sara, Tatay [Digong], PGMA at Erap? Nung panahon ni Sr., ganito rin nung nagdeklara ng Martial Law. Mag take two kaya si Junior?”
“Alam mo kung iniisip mo yan lagi, that’s malicious,” ang tugon ni Executive Secretary Lucas Bersamin.
“The Constitution is very clear when a President may declare martial law. I don’t think that is in the mind of the President right now… Malicious talaga si Mr. Harry Roque,” aniya pa rin sa press briefing sa Malakanyang.
Aniya pa, dahil ang NSC ay isang advisory body, may karapatan si Pangulong Marcos na siguruhin na kung sino man ang magpapayo sa kanya ay mayroong kanyang “fullest trust and confidence.”
Patutsada naman ni Bersamin kay dating spokesperson Salvador Panelo na kabilang sa mga kontra sa aksyon ng Malacanang, walang anomang “moral authority” para kuwestiyunin nito ang naging hakbang ni Pangulong Marcos.
May pagkakataon din aniya na pinigilan ni Digong Duterte si dating Vice President Leni Robredo na dumalo sa mga NSC meeting. (CHRISTIAN DALE)
51