30th SEA GAMES HOSTING PSC ANG HAHAWAK

(NI JEAN MALANUM)

NAIS ni Pangulong Rodrigo Duterte na  ang gobyerno lamang ang hahawak at magpapatakbo sa hosting ng Pilipinas sa papalapit na 30th Southeeast Asian Games at ito ay walang iba kundi ang Philippine Sports Commission (PSC).

Ito ang inihayag ni Presidential Spokesperson Salvador Panelo, kung saan napundi umano si Pangulong Duterte nang mabatid ang naganap na korapsyon  sa Philippine SEA Games Organizing Committee (PHISGOC) Foundation, itinatag na private entity pero siyang tumanggap ng government funds para sa biennial meet hosting.

“He said that he doesn’t want the foundation. Gusto niya gobyerno. Sabi niya maraming corruption sa private kaya nasisira ‘yung diskarte ng mga nandiyan. Gusto niya gobyerno na lang,” pahayag ni Panelo.

Ayon pa kay Panelo, kinakailangang maimbestigahan umano ang korapsyon sa PHISGOC.

“He (Duterte) didn’t mention it but as a matter of standard procedure, when there is corruption, the agency concerned will have to delve into that without asking the president,” komento pa ni Panelo.

Ang PHISGOC, na pinamumunuan ni Taguig Rep. Alan Peter Cayetano, ay itinatag para pangunahan ang pag-oorganisa g Pilipinas sa hosting ng 2019 SEA Games, pero nasangkot sa kontrobersiya nang itatag ang PHISGOC Foundation, na hiwalay na entity mula sa orihinal na PHISGOC.

Ang mga incorporators ng PHISGOC Foundation ay kinabibilangan nina Cayetano, Ramon ‘Tats’ Suzara at ng kare-resign lang na POC president Ricky Vargas.

Kinuwestiyon ng POC executive board ang pagpasok ni Vargas at ng PHISGOC sa mga transaksyon nang walang aprubal ng board, na naging daan sa pagbaba sa puwesto ni Vargas.

Kaugnay nito, binigyang-diin ni acting president Joey Romasanta, na walang kinalaman ang POC sa pagbuo at sa transaksyong pinasok ng PHISGOC.

Ayon kay Romasanta, binuo ang PHISGOC nang walang board approval, kung saan incorporators sina Cayetano, Vargas at iba pa.

Base sa Articles of Incorporation na naka-file sa Securities and Exchange Commission noong Hulyo 2018, ang PHISGOC Foundation ay itinatag para mag-organize ng SEA Games at iba pang international games na iho-host ng bansa sa mga darating na panahon.

Nakasaad din na ang PHISGOC ang tatanggap at maglalabas ng pondo at iba pang monetaries at properies na manggagaling mula sa sponsorship, donation, grant at subsidy.

Ito rin umano ang tatanggap ng income at pondo mula sa pagho-host ng SEA Games at maging sa iba pang international competitions at siya ring magdi-disburse nito.

114

Related posts

Leave a Comment