PH PARA ATHLETES GIGIL SA ASEAN PARA GAMES

MAKALIPAS ang dalawang taon, atat na ang may 144 ­Filipino para athletes na sumabak sa ASEAN Para Games sa Hulyo 30 hang­gang Agosto 6 sa Surakarta, Indonesia.

Unang pagkakataon itong sasabak sa international competition ang mga Pinoy Para athletes, dahil nalimitahan lang sila sa online training sa nakalipas na dalawang taon sanhi ng pandemic.

“Ang importante ay ­makita natin ang performance ng athletes natin matapos ang ­mahabang pahinga,” pahayag ni athletics coach Joel Deriada.

“Pero gutom na gutom ang athletes natin pati mga coaches na magbigay ng karangalan sa bansa,” dagdag niya nang ­maging panauhin sa online ­Philippine Sportswriters ­Association (PSA) Forum kahapon.

Si swimmer Ernie Gawilan, beterano ng Tokyo ­Paralympics at double-gold medalist sa 2017 ASEAN Para Games, ay panauhin din sa lingguhang sports forum na ipiniprisinta at suportado ng San Miguel ­Corporation, MILO, Philippine Sports Commission, ­Philippine Olympic Committee, ­Amelie ­Hotel Manila, Unilever, at ­Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR).

Sumailalim si Gawilan at kapwa swimmers sa bubble training, at lahat ng bumubuo sa Team Philippines sa PhilSports Complex sa Pasig City mula Hunyo 6. Nagsimula naman ang face-to-face training noong Enero.

“Maganda po ang training namin ngayon. Lahat ng athletes gigil na,” wika ni Gawilan, sabay banggit na ibinigay ng PSC ang lahat ng kanilang pangangailangan.

“Maganda ang bubble. ­Focused ang athletes. Kain, ­tulog at training lang. Everything is provided. Lahat ng kailangan ng athlete,” sambit pa ni Deriada.

Lilipas ang Team Philippines sa Hulyo 26 sakay ng ­Philippine Airlines at babalik sa Agosto 7.

Bukod sa mga atleta, ang ­delegasyon ay may 68 officials, kabilang ang coaches, trainers at medical staff.

Bukod sa swimming, sasabak ang Filipino athletes sa archery, athletics, badminton, boccia (precision ball), chess, goal ball, judo, powerlifting,
sitting volleyball, table tennis at wheelchair basketball.

Kaugnay nito, sisikapin ng athletics team, may 24 athletes kabilang ang 11 newcomers, malampasan ang nine gold, five silver at six bronze medal haul sa 2017 edition sa Malaysia.

Ang Pilipinas ay may ­kabuuang medal haul 20-20-29 at nasa fifth place overall sa ­huling edition ng kompetisyon, kung saan ang Indonesia ang naghari (126-75-83), ­kasunod ang Malaysia, Thailand at ­Vietnam. (VT ROMANO)

334

Related posts

Leave a Comment