STRATEGY SA CEBU PAG-AARALAN NG DOH

INATASAN ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte si Health Secretary Francisco Duque III na alamin kung bakit gumana ang COVID-19 protocols na ipinatupad sa Cebu City partikular na ang swab-upon-arrival policy para sa overseas Filipino workers (OFWs) at returning overseas Filipinos (ROFs).

Layon ng nasabing kautusan na alamin kung maaaring i-apply ang estratehiya sa ibang rehiyon.

Sinabi ni Governor Gwen Garcia na tinuran ni Pangulong Duterte sa IATF “see if these could possibly be a way or innovation to be adopted” sa iba’t ibang lugar sa bansa at magsumite sa kanya ng resulta ngayong Huwebes.

Inulit nito na ang “unique quarantine at testing protocols” na ipinatupad sa Cebu City para sa OFWs at ROFs ay naglalayong i-minimize ang kanilang pasanin pagdating sa pinansiyal at emosyonal na aspeto.

Kaugnay nito, tiniyak ni Gov. Garcia na susunod ang Cebu sa polisiyang ikinasa ng pamahalaan habang hinihintay nito ang ginagawang pag-aaral ng National Inter-Agency Task Force sa COVID-19 situation ng nasabing lalawigan.

Samantala, pinasalamatan ni Gov. Garcia si Senador Christopher “Bong” Go, na kasama rin sa miting niya kay Pangulong Duterte, para sa pagkilala sa tagumpay ng Cebu na pamahalaan ang COVID-19 crisis.

Ani Gov. Garcia, nakita ni Go kung paano napangasiwaan ng Cebu ang pandemiya at mabuksan ang ekonomiya simula pa noong nakaraang taon. (CHRISTIAN DALE)

218

Related posts

Leave a Comment