MAAASAHANG SERBISYO NG KURYENTE PARA SA MAS MARAMI PANG PILIPINO

THINKING ALOUD ni CLAIRE FELICIANO

HINDI maikakaila na patuloy pa rin ang mga pagsubok sa sektor ng enerhiya, lalo na kapag panahon ng tag-init kung kailan talagang sumisipa ang demand sa kuryente. Nito nga lang nakaraang summer, record-breaking ang init at ang naitalang demand sa kuryente sa buong bansa – at dahil sa kakulangan ng suplay, ilang lugar sa bansa ang nakaranas ng rotating power interruptions o pagkaantala sa serbisyo ng kuryente.

Magugulat ka na lang na ang problemang ito ay patuloy pa ring nararanasan dito sa bansa. Sa kabila ng mga pagsubok sa suplay, napakahalaga rin ng papel na ginagampanan ng mga distribyutor ng kuryente sa bansa. Bukod kasi sa sila ang nakaharap sa mga konsyumer pagdating sa usapin ng kuryente, napakaimportanteng maayos ang mga pasilidad ng mga ito para masiguro ang maayos na serbisyo at handa ang mga tauhang agarang rumesponde sa mga alalahanin tungkol sa kuryente.

Napabalita kamakailan ang ginawa ng Pampanga II Electric Cooperative o PELCO II na pagbili ng mobile substation para tugunan ang lumalaking pangangailangan sa kuryente sa Mabalacat City. Bahagi ang proyektong ito ng pangako ng PELCO II na patuloy na tugunan ang demand ng mga customer nito, at siyempre para masigurong tuloy lang ang pag-unlad ng ekonomiya sa mga komunidad na pinagsisilbihan nito.

Ayon sa Chief Management Advisor ng PELCO II na si Joe-Mel Zaporteza, nakikipagtulungan ang electric cooperative sa lokal na pamahalaan at iba pang mga kasangkot na sektor upang patuloy na magpatupad ng mga makabago at masusing solusyon at mga proyekto na magbibigay benepisyo sa mga konsyumer.

Sa katunayan, sa kakatapos lamang na talakayan na inorganisa ng Capampangan in Media Inc. o CAMI, inilahad din ni Zaporteza ang planong magdagdag ng isa pang substation para sa susunod na taon. Magandang ehemplo ang PELCO II sa patuloy na pagsusumikap na matugunan ang hindi naman natin maikakailang patuloy na paglaki ng pangangailangan sa kuryente ng mga konsyumer.

Suportado ng Meralco, ang pinakamalaking distribyutor sa bansa, ang PELCO II. Kasama ang Comstech, pinamamahalaan ng Meralco ang electric cooperative noon pang 2014. Kaya nga ang mga proyekto ng PELCO II ay bahagi pa rin ng panata ng kumpanya na magbigay ng sapat at maaasahang kuryente sa lahat ng pinagsisilbihan nito.

Ito rin ang ipinahayag ni CAMI member at Head ng Corporate Communications na si Joe Zaldarriaga, na binigyang-diin ang pagsusumikap ng kumpanya na palakasin pa ang distribution network nito, at patuloy na mamuhunan sa mga proyektong makatutulong para mapalago ang ekonomiya at mapabuti ang estado ng komunidad at kabuhayan ng mga residente.

Kaya nga maraming mga lokal na pamahalaan ang humihingi na ng tulong sa Meralco, at ang ilan ay humihiling pa ng takeover! Pero siyempre, hindi naman basta-basta pwede gawin ‘yan ng kumpanya pero hindi rin nito ipinagpapasawalang-bahala ang pakiusap ng mga residente na nagnanais na magkaroon din ng maaasahang serbisyo ng kuryente.

Laging handang magbigay ng suporta sa iba pang mga kasamahan sa industriya ang Meralco. Ayon sa head ng External at Government Affairs Atty. Arnel Casanova, maraming lokal na pinuno mula sa iba’t ibang probinsya ang lumapit sa Meralco para talakayin ang mga posibleng pakikipagtulungan para masuportahan ang kani-kanilang electric cooperative.

Aktibo kasing namumuhunan ang Meralco sa mga proyektong magpapabuti sa serbisyo ng kuryente. Para sa kumpanya, mahalaga ang pakikipagtulungan sa mga pribadong kumpanya, lokal na pamahalaan, at iba pang mga kalahok sa industriya para maging mas efficient at maayos ang serbisyo ng kuryente sa mas marami pang lugar sa Pilipinas.

147

Related posts

Leave a Comment