TANONG KAY VP SARA NILUNOD NG TEKNIKALIDAD

NILUNOD umano ng teknikalidad ang simpleng tanong kay Vice President Sara Duterte kung nasaan ang kanyang confidential funds upang makaiwas itong sumagot.

Ito ang pahayag ni Mamamayang Liberal (ML) party-list Rep. Leila de Lima sa kanyang privilege speech noong Martes ng gabi kung saan kinastigo nito si Sen. Rodante Marcoleta matapos ilarawan ng senador na “hilaw na kanin” ang impeachment case laban sa Pangalawang Pangulo.

“Nilunod ng teknikalidad ang mga tunay na tanong: nasaan ang confidential funds? Sino sina Mary Grace Piattos, Fernando Tempura, Carlos Miguel Oishi, Chippy McDonald at ilan pang mga pangalan na tila ba ginawang chichirya ang pera ng bayan?,” ani De Lima.

Kasama rin aniya sa nilunod ng teknikalidad ang mga taong kung bakit halos dalawang bilyong piso ang umikot na pera sa joint account nina VP Sara at ama nitong si dating pangulong Rodrigo Duterte, krisis sa edukasyon, mga kwestiyonableng procurement sa Department of Education (DepEd), pagbabanta sa buhay ng Pangulo, First Lady at Speaker of the House.

“Hanggang ngayon, walang sagot sa mga isyung ito. Yet in return, the House has been met with insults and accusations, and a narrative reducing its solemn constitutional duty to mere politics,” ayon pa kay De Lima.

Isa sa pang-iinsulto aniya ay nang ilarawan ng isang senador bilang hilaw na sinaing ang pagkakaluto sa impeachment case laban kay VP Sara na isa sa teknikalidad kung bakit in-archived ng Senado ang impeachment complaint.

Ang pinaka-teknikal aniya sa lahat ay ang desisyon ng Korte Suprema na unconstitutional ang impeachment case laban kay VP Sara dahil mistulang pinilit palabasin na ang tatlong complaint na inihain sa first mode ay nagsilbing hadlang sa articles of impeachment na inihain ng kapulungan gamit ang second mode na may 1/3 votes.

Sa ilalim ng Impeachment rules, ang first mode ay dadaan sa committee on justice ang impeachment complaint kung hindi ito inendorso ng 1/3 sa miyembro ng Kamara habang sa second mode ay diretso na ito sa impeachment court kung may sapat na bilang ng endorsers.

“Pero ang hilaw dito ay hindi ang Articles of Impeachment, kundi ang paliwanag ng Korte Suprema. Sabi nga ng SolGen sa ating Motion for Reconsideration, ang Articles of Impeachment na inihain ng House gamit ang second mode (sa katunayan, 3rd mode) ang siyang humadlang sa tatlong iba pang complaint. Binaliktad ng Korte Suprema ang totoong nangyari,” paliwanag ni De Lima.

Kinuwestiyon din ng mambabatas si VP Sara kung bakit tila takot na takot umano itong harapin ang impeachment trial kung malinis ang kanyang konsensya habang pinasaringan nito ang Senado at Korte Suprema dahil tila espesyal umano sa kanila ang Pangalawang Pangulo.

(BERNARD TAGUINOD)

47

Related posts

Leave a Comment