ISA pang grupo na tinawag na ‘Team Grocery’ ang kasama sa mga tumanggap umano ng confidential and intelligence funds (CIF) ni Vice President Sara Duterte-Carpio na umabot sa kalahating bilyong piso ang halaga.
Ito ang isiniwalat kahapon ni House Deputy Majority Leader Paolo Ortega V ukol sa mga pangalang isinumite ng Office of the Vice President (OVP) sa Commission on Audit (CoA) na nabigyan umano ng CIF noong 2023 na nagkakahalaga ng P500 million.
Kabilang sa mga pangalang ay ‘Beverly Claire Pampano’, na pangalan ng isang isda; ‘Mico Harina’, ‘Patty Ting’, ‘Ralph Josh Bacon’ at ‘Sala Casim’, na katunog naman ng mga karneng baboy.
“Mukhang listahan po ng mga bibilhin sa palengke o grocery ang mga bagong pangalang nakita natin,” pahayag ni Ortega matapos busisiin ng prosecution panel ng Kamara sa ang mga pangalang benepisyaryo ng CIF ni Duterte sa OVP.
Karagdagan ang Team Grocery sa mga umano’y mga pekeng pangalan ng benipersaryo ng CIF ni Duterte sa OVP at Department of Education (DepEd) tulad ‘Chichirya Gang’ na sina ‘Mary Grace Piattos’, ‘Pia Piatos-Lim’, ‘Renan Piatos’, ‘Jay Kamote’ , ‘Miggy Mango’ at kapangalan ng cellphone na si ‘Xiaomi Ocho’.
Bukod dito ang Team Amoy Asim gang na sina ‘Amoy Liu’, ‘Fernan Amuy’ at ‘Joug De Asim’ at ‘Dodong Gang’ na binubuo naman nina ‘Dodong Alcala’, ‘Dodong Bina’, ‘Dodong Bunal’, ‘Dodong Darong’ at ‘Dodong S. Barok’ .
“Hindi ito ang unang beses na may nakita tayong katawa-tawa o kakaibang pangalan. Ang mas nakakalungkot, patuloy itong nadadagdagan. Typo ba ito? Mukhang may effort na talagang mag-imbento ng listahan para pagtakpan kung saan dinala ang pondo,” ayon sa mambabatas.
Inamin ni Ortega na naglabas na rin ng sertipikasyon ang Philippine Statistic Authority (PSA) na hindi totoong mga tao ang Team Grocery kaya lalong lumalakas umano ang impeachment case na isinampa ng mga ito laban kay Duterte.
(PRIMITIVO MAKILING)
