(NI CHRISTIAN DALE)
PUMALAG ang Task Force Bangon Marawi sa inilathala ng Washington Post na mistulang ghost city pa rin ang Marawi city, ilang taon matapos ang nangyaring pagkubkob dito ng mga terorista. Sinabi ni Task Force Bangon Marawi City head at HUDCC Chair Eduardo del Rosario, walang katotohanan ang nasabing ulat at sa katunayan, may trapik na aniya sa sentro ng siyudad bunsod ng economic activity, business activity at masyado aniyang marami ng sasakyan ang nagpupunta sa Marawi City
“Mukhang masyadong off tangent ito sa katotohanan at kung anong nangyayari talaga sa Marawi City. Kapag sinabi kasi nating ghost city, ang papasok sa ating mind eh walang nangyayari at napapabayaan ng gobyerno na wala pong katotohanan,” ayon kay del Rosario.
Sinabi pa niya na maraming natatawa sa kanyang mga nakakausap dahil sa isyu na ghost city ang Marawi City.
Subalit, kung ang tinukoy aniya ng nagsulat ng artikulo ay ang 250 ektaryang lupain na nasira dahil sa Marawi siege sa loob ng limang buwan ay .03 lamang aniya ito sa kabuuang 8,000 ektarya ng siyudad.
“Mukhang masyadong na-dramatized negatively. We would just like to say the reality on the ground na ito’y walang katugmang nangyayari on the ground na ghost city siya but instead it’s full of economic activity,” aniya pa rin.
Hindi aniya pwedeng sabihin na walang nangyayari o pinabayaan ng gobyerno ang siyudad.
Ito’y dahil anim na buwan lamang matapos ideklara ni Pangulong Rodrigo Roa Duterte na malaya na ang Marawi sa kamay ng mga terorista, agad nakapagbigay ang pamahalaan ng temporary shelter units sa mga residente.
Samantala, noong nandun aniya siya noong kasagsagan ng siege ay maaari aniyang ikunsidera na 70% ng Marawi City ay ghost City.
Iyon ay dahil sa walang sasakyan dahil hindi pinapapasok ng military, wala ring nagbibisikleta, at walang sibilyan sa loob.
Ito aniya ay taong 2017 mula Mayo hanggang Oktubre subalit ngayon aniya ay City na talaga ang Marawi.
“And it is alive and booming,” ayon kay del Rosario.
373