(NI BERNARD TAGUINOD)
DAHIL sa matinding kalbaryo ang pinagdadaanan ngayon mga motorista at mga commuters sa South Luzon Expessway (SLEX), pinagsususpinde muna ng isang mambabatas sa Kamara ang paningingil ng toll fee.
Nabatid kay Laguna Rep. Sol Aragones na sa susunod na linggo ay maghahain ito ng resolusyon para atasan ang Toll Regulatory Board (TRB) na suspendihin muna ang paniningil ng toll fee sa SLEX.
“Temporary suspension ng toll (fees) habang ginagawa ang skyway na nagdudulot ng matinding trapik,” pahayag ni Aragones ukol sa resolusyon na kanyang ihahain umano sa Lunes.
Ilang linggo nang nagrereklamo ang mga motoristang dumadaan sa SLEX lalo na ang papasok sa Metro Manila sa matinding trapik na nararanasan ng mga ito dahil sa skyway extension na ginagawa sa nasabing lugar.
Ayon sa mambabatas, nararapat lamang na suspindehin muna ang paniningil ng toll fees dahil luging-lugi umano ang mga motorista na dumadaan sa nasabing lugar araw-araw dahil sa trapik.
Maging ang mga pampasaherong sasakyan na dumadaan dito ay wala na umanong kinikita kaya hindi umano makatarungan na siningil pa ang mga ito ng toll fees kaya nais ni Aragones na suspendihin muna ang paniningil.
“Kawawa naman ang mga tao. Nagdurusa na sila sa trapik, pinagbabayad pa,” ayon pa sa mambabatas.
Maaari umanong ibalik ang paniningil sa toll fees kung magiging maayos na ang daloy ng trapiko sa nasabing lugar partikular na sa Alabang area kung saan ginagawa ang skyway extension.
