MAY hawak nang intelligence information ang Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) dalawang linggo bago ang nakatakdang pagpupuslit ng mahigit isang toneladang shabu mula Laos at Thailand patungong Pilipinas, kaya naihanda na ang isasagawang interdiction operation, ayon kay PDEA Director General Undersecretary Isagani Nerez.
Sa pulong-balitaan sa punong tanggapan ng PDEA sa Quezon City, sinabi ni Nerez na nakipag-ugnayan na siya kay Department of National Defense Secretary Gilberto Teodoro, Armed Forces of the Philippines (AFP) Chief of Staff General Antonio G. Nafarrete at Philippine Navy dalawang linggo bago ang nakatakdang delivery ng ilegal na droga.
Aniya, nakabatay ang paghahanda sa A-1 intelligence information na natanggap mula sa kanilang foreign counterparts.
Pabiro pang sinabi ni Nerez na nanghihinayang siya dahil hindi natuloy ang shipment, na aniya ay maaari sanang magbigay-daan sa pagkakaroon ng barko at eroplano ang PDEA.
Gayunman, inamin ng opisyal na nahuli ng isang araw ang impormasyong natanggap nila hinggil sa pagkakakilanlan ng umano’y Pilipinong mastermind na gumagamit ng alyas na Boyet. Dahil dito, nakalipad na ito patungong Hong Kong bago pa matunton ng mga awtoridad.
Si alyas Boyet ang hinihinalang nag-book at nagbayad sa pamamagitan ng bank transfer ng private jet na gagamitin sana sa pagdadala ng shabu mula Laos patungong Maynila.
Ayon sa mga naunang ulat, siya umano ang kasabwat ni alyas Fahad, isang taga-Marawi na naaresto sa Laos matapos tangkaing ilulan ang 521 kilo ng shabu na nakasilid sa 23 maleta.
Patuloy na bineberipika ng PDEA ang koneksiyon nina alyas Boyet, na hinihinalang taga-Luzon, at alyas Fahad, na umano’y mayroon ding tirahan sa Luzon bukod sa kanyang tahanan sa Mindanao.
Inihayag din ni Nerez na nakikipag-ugnayan na ang PDEA sa Philippine Navy at Philippine Coast Guard para sa posibleng interdiction operation laban sa MV Harbour 1, isang barkong matagal na umanong nakaalarma at kabilang sa kanilang watch list.
Ayon sa opisyal, nasita na ng Philippine Navy ang barko noong Agosto dahil sa hinalang nagsasagawa ito ng familiarization sa rutang mula Malacca Strait patungong West Philippine Sea.
Ipinaliwanag din ni Nerez na hindi agad inilabas ng PDEA ang impormasyon tungkol sa tangkang pagpupuslit ng droga dahil nakabatay ang kanilang operasyon sa intelligence information mula sa foreign counterparts na hindi maaaring basta-basta ibahagi sa publiko.
Nauna nang iniulat ng Malaysian police na posibleng Pilipino ang nasa likod ng tangkang pagpupuslit ng 521 kilo ng shabu na nasabat sa Laos.
Sa mga ulat ng Malaysian media, sinabi umano ni Bukit Aman Narcotics Crime Investigation Department (NCID) Director Datuk Hussein Omar Khan na isang Filipino national ang pinaniniwalaang nag-book ng private jet noong Setyembre 23 sa halagang US$49,500, katumbas ng humigit-kumulang P2.8 milyon hanggang P2.9 milyon.
Ang Learjet 55B ay nakatakdang bumiyahe mula Laos patungong Maynila, kung saan idineklara umano ang kargamento bilang mga vape product upang maitago ang ilegal na droga.
Nahadlangan ang biyahe sa Luang Prabang International Airport sa Laos noong Oktubre 1, 2026, matapos matuklasan ng mga awtoridad ang 23 maleta na naglalaman ng hinihinalang shabu.
Samantala, patuloy ang koordinasyon ng PDEA sa Civil Aviation Authority of the Philippines (CAAP) kaugnay ng ulat na pangwalo nang pag-arkila ng private jet sa naturang kumpanya ang nasabat sa biyahe nito mula Laos.
(JESSE RUIZ)
89 