EX-DICT CHIEF OF STAFF NA DATING TAUHAN NI ESTELLA QUIMBO, ITINURO SA PAGKATANGGAL KAY AGUDA

ITINURO ang dating chief of staff ni dating Marikina 2nd District Representative Stella Quimbo na si dating Undersecretary Christina Faye Condez De Sagon bilang dahilan umano ng pagkakatanggal sa puwesto ni Department of Information and Communications Technology (DICT) Secretary Henry Aguda.

Ayon sa mga ulat, nadawit si De Sagon, na dating tauhan ni Quimbo at dating chief of staff ni Aguda, sa umano’y mga paglabag sa bidding rules na nagresulta sa kanyang pagkakatanggal noong Agosto 2026.

Kinumpirma naman ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. na tinanggap niya ang pagbibitiw ni Aguda.

Batay sa mga naunang ulat, inireklamo ng ilang beteranong empleyado ng DICT kay noo’y Senate President Tito Sotto si De Sagon dahil sa umano’y bid rigging sa pagbuo ng isang data center na hindi naman nagamit. Ayon sa reklamo, gumamit umano ng mga dummy entity at budget insertions upang matiyak ang pagkakakuha ng kontrata.

Sa liham ng mga empleyado kay Sotto, idinadawit din si DICT Region 1 Director June Vincent Manuel “Direk Wikz” S. Gaudan sa umano’y bid rigging.

Iniuugnay si Gaudan sa Lancaster Technology and Development Philippines, ang supplier na nasangkot sa kontrobersyal na P2.4-bilyong laptop deal ng Department of Education tatlong taon na ang nakararaan.

Iginiit ng mga empleyado na nagsabwatan umano sina De Sagon at Gaudan upang manipulahin ang procurement ng co-location facility para sa isang data center na nagkakahalaga ng daan-daang milyong piso at hanggang ngayon ay hindi pa rin nagagamit.

Ayon pa sa reklamo, ginagamit umano ni De Sagon ang pangalan ni Aguda upang takutin ang mga empleyado ng DICT. Binago rin umano niya ang terms of reference upang paboran ang ilang bidder.

Sinasabing pinilit ni De Sagon ang Bids and Awards Committee (BAC), Technical Working Group (TWG), BAC Secretariat at ang head of the procuring entity na payagang makalahok ang kanyang pinapaborang bidder kahit disqualified na ito.

Bukod dito, inakusahan din siyang tumanggap ng advance payment mula sa mga supplier na may kaugnayan sa eGovernment (eGov) project at National Government Data Center (NGDC) project.

Bago nagtrabaho sa DICT, naging chief of staff si De Sagon ni Quimbo, na nagsilbing kinatawan ng ikalawang distrito ng Marikina mula 2019 hanggang 2025. Tumakbo si Quimbo bilang alkalde ng Marikina City noong 2025 ngunit natalo. (EG)

100

Related posts

Leave a Comment