IBINIDA ni Ombudsman Jesus Crispin “Boying” Remulla ang mga nagawa ng Office of the Ombudsman sa unang taon niya sa puwesto, kabilang ang pagsasampa ng mga kaso laban sa mga indibidwal na umano’y sangkot sa mga iregularidad sa flood control projects.
Ayon kay Remulla, nasa 52 indibidwal na ang nahaharap sa mga kaso kaugnay ng kontrobersiya.
Kabilang sa mga kinasuhan ang isang nakaupong senador, isang dating senador, apat na kongresista, isang dating House Speaker, isang dating kalihim, 33 kawani ng Department of Public Works and Highways (DPWH), walong kontratista at iba pang pribadong indibidwal.
Ngayong nasa korte na ang mga kaso, umaasa si Remulla na magiging patas at independent ang mga hukuman sa pagdedesisyon at hindi gagamitin ang batas upang protektahan ang mga sangkot sa umano’y pandarambong sa pondo ng bayan.
Hiniling din ng Ombudsman sa Korte Suprema na muling suriin ang tinatawag na “main plunderer doctrine,” na aniya’y nagpapahirap sa pag-usig sa mga kasong plunder.
Sa ilalim ng doktrinang iniugnay sa mga desisyon ng Korte Suprema sa mga kasong may kinalaman sa pandarambong, kailangang matukoy at mapatunayan ng prosekusyon nang lampas sa makatwirang pagdududa ang pagkakakilanlan ng pangunahing utak sa isang plunder scheme.
Ayon kay Remulla, walang ganitong rekisito sa Republic Act No. 7080 o Anti-Plunder Law, at maaari umanong magamit ang doktrina bilang panangga ng mga sangkot sa malawakang pagnanakaw ng pondo ng gobyerno.
Para sa Ombudsman, maaaring maging malaking hadlang ang naturang doktrina sa mga kasong may komplikadong daloy ng pera, gaya ng umano’y mga iregularidad sa flood control projects.
Dahil dito, nananawagan si Remulla sa Kataas-taasang Hukuman na muling pag-aralan ang doktrina upang hindi ito maging balakid sa pagpapanagot sa mga sangkot sa pandarambong.
(JULIET PACOT)
84 