TINIYAK ni Atty. Alexander Cabrera, forensic accounting expert witness ng House Prosecution Panel, na hindi siya natatakot sa posibilidad na makasuhan, makulong o pagmultahin kaugnay ng pagsusuri sa tax at bank records nina Vice President Sara Duterte at asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio.
Sa pagpapatuloy ng impeachment trial sa Senado, nanindigan si Cabrera sa kanyang forensic report na nagsasaad na nasa 20 porsyento lamang, sa karaniwan, ng mga ari-arian ni Duterte ang idineklara nito sa kanyang Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN).
Inilahad din sa kanyang pagsusuri ang tinatayang P817.87 milyong unexplained wealth ng mag-asawang Duterte at Carpio mula 2022 hanggang 2025.
Sa cross-examination, tinanong ni defense counsel Atty. Kristine Ferrer si Cabrera tungkol sa Table 17 ng kanyang forensic report, kung saan nakasaad ang porsyento ng mga ari-ariang idineklara ni Duterte.
Kinumpirma ni Cabrera na nasa 20 porsiyento lamang ang karaniwang naideklara, batay sa pamamaraang ginamit ng kanyang team sa pagsusuri ng mga financial record ng mag-asawa.
Kinuwestiyon din ni Ferrer ang pag-uugnay kay Duterte ng 20 porsiyentong capital interest sa GenCorp Industries Inc., na may limang Jollibee franchise sa Davao City.
Inamin ni Cabrera na hindi sinuri ng kanyang team ang mga stock certificate, subscription agreement, stock and transfer book, at franchise agreement ng kompanya. Gayunman, pinanindigan niya ang kanyang pagsusuri batay sa mga financial at corporate record na kanilang hawak.
Tinalakay rin sa cross-examination ang mga advance na iniuugnay kay Carpio sa Cale88 Foods Corp. Ayon sa report ni Cabrera, umabot ang mga ito sa P8.7 milyon noong 2022, P9.5 milyon noong 2023, P11.1 milyon noong 2024, at P9.5 milyon noong 2025.
Sinabi ni Cabrera na nakabatay ang mga halagang ito sa financial statements ng kompanya. Inamin din niyang hindi sinuri ng kanyang team ang mga dokumento ng utang o books of accounts nito.
“Only the financial statements po,” ani Cabrera.
Sa hiwalay na bahagi ng pagtatanong, ipinaalala ni Ferrer ang mga probisyon ng Anti-Money Laundering Act (AMLA), partikular ang Section 8-A tungkol sa proteksyon ng impormasyon at Section 14 hinggil sa mga paglabag sa confidentiality, na may kaakibat na mga parusa.
Tinanong din si Cabrera kung nababahala siya sa posibilidad na lumabag sa mga batas sa bank secrecy at confidentiality dahil sa pagtanggap at pagsusuri ng mga dokumentong pinansyal nang walang pahintulot ng impeachment court.
Kalmado niyang sinabing hindi siya natatakot sa mga babala ng depensa.
Iginiit ni Cabrera na natalakay at napagdebatehan na sa Kamara de Representantes ang mga dokumentong ginamit sa kanyang pagsusuri.
Binanggit din niya ang Section 8 ng Republic Act No. 3019 o Anti-Graft and Corrupt Practices Act, na tumatalakay sa pagkakaroon ng ari-ariang labis na hindi tugma sa lehitimong kita ng isang opisyal.
Isinunod ni Ferrer ang Section 270 ng National Internal Revenue Code, na nagpapataw ng parusa sa mga opisyal ng Bureau of Internal Revenue (BIR) na ilegal na naglalabas ng kumpidensyal na impormasyon ng mga taxpayer.
Sa kabila ng mga tanong hinggil sa legalidad ng pagkuha at paggamit ng mga dokumento, iginiit ni Cabrera na malinaw ang kanyang tungkulin bilang forensic examiner na tanggapin ang mga dokumento, suriin ang mga ito, at ilahad ang kanyang mga natuklasan.
Bahagi ng ebidensya ng prosekusyon sa Article II ng impeachment complaint ang kanyang forensic report, na nag-aakusa kay Duterte ng pagkakaroon ng unexplained wealth at hindi wastong pagdedeklara ng mga ari-arian sa kanyang SALN.
(DANG SAMSON-GARCIA AT TINA MENDOZA)
99 