UP RESEARCH GROUP IPINAMBALA NG DILG SA CHA-CHA

IPINAMBALA ng Department of the Interior and Local Government ang kawani ng University of the Philippines (UP) upang kumbinsihin ang publiko na makatutulong ang Constitutional Change (Cha-cha) sa pagbangon ng ekonomiya ng bansa.

Ayon sa DILG, sinabi ni Leandro Tan, mananaliksik sa University of the Philippines Public Administration Research and Extension Services Foundation – Regulatory Reform Support Program for National Development (UPPAF – RESPOND), aabot sa $16.2 bilyon halaga ng foreign direct investment (FDI) ang papasok na puhunan sa bansa kung tatanggalin ang mga economic provision sa Konstitusyon na nagbabawal sa mga dayuhang kapitalista na lumampas sa 40 porsiyento ang pag-aari sa mga lupa at korporasyon sa Pilipinas.

Ayon kay Tan, kapag pumasok ang puhunang multimilyong United States dollars sa Pilipinas, ay mawawala umano ang “job deficits” sa mga sektor at industriya ng manufacturing, tubig, real estate at business services.

Inginuso rin ng DILG ang pahayag ni Tan na inaasahang 1.6 milyon ang trabahong malilikha kapag nawala na ang mga probisyon at patakaran sa Konstitusyong 1987 naglilimita sa pamumuhuan at pag-aari ng mga dayuhang negosyante sa bansa.

Nitong mga nakalipas na araw ay naglalabas ng mga press statement ang DILG pabor sa isinasagawang Cha-cha sa mababang kapulungan ng Kongreso.

Pinatutunayan ng DILG na aktibong ‘sandata’ ito ng administrasyong Duterte para baguhin ang Saligang Batas.

Sa kasalukuyan, ipinasa ng Committee on Constitutional Amendments sa ikalawang pagbasa ang Resolution of Both Houses 2 (RHB 2) na ang nilalaman ay pagbabago sa ilang probisyon ng Saligang – Batas hinggil sa limitadong galaw ng mga dayuhang kapitalista sa pagnenegosyo sa Pilipinas.

Akda ni Speaker Lord Allan Jay Velasco ang RBH 2.

Nang mangyari ang pagpasa sa ikalawang pagbasa nitong nakalipas na linggo, kaagad binatikos ng ilang senador mula sa administrasyon at oposisyon ang aksyon ng Kamara de Representantes.

Isa sa mga bumira sa pangkat ni Velasco ay si Senate President Vicente “Tito” Sotto III na nagsabing mayroon nang mga batas na ipinasa ang Kongreso upang bumangon ang ekonomiya mula sa pagkakalugmok nito mula nang umatake ang coronavirus disease-2019 (COVID-19).

Isa riyan ang Corporate Recovery and Tax Incentives for Enterprises (CREATE) Act na naisabatas noong Marso ng taong kasalukuyan.

Maliban sa siguradong makababawi ang mga kumpanya, magsisilang din ng halos dalawang milyong trabaho ang CREATE Act sa loob ng sampung taon.

Ang isa pang sandata sa pagbangon ng ekonomiya na ilang ulit nang iwinasiwas sa media ng National and Economic Development Authority (NEDA) ay ang vaccination rollout para sa 50 milyong Filipino.

Ang punto ng NEDA ay aktibong gagalaw ang ekonomiya dahil walang COVID-19 na sasagka sa pagnenegosyo ng maliliit na negosyante at pagtatrabaho ng mga manggagawa.

Ang COVID-19 ay nananalasa sa halos lahat ng bansa sa mundo, kabilang ang Amerika, kung saan sapul din ang kanilang ekonomiya.
Ngunit, hindi ginagalaw at binabago ng mga mambabatas sa ibang bansa ang kani-kanilang Konstitusyon. (NELSON S. BADILLA)

156

Related posts

Leave a Comment