(Photo courtesy: TBST Batangas)
NABAHALA ang mga residente ng Barangay Boot at Barangay Wawa sa Tanauan city, Batangas nang makita ang mga naglutangang bato sa Taal Lake nitong Miyerkoles ng umaga.
Ayon sa barangay officials ng Barangay Boot, nag-amoy asupre ang paligid matapos biglang lumitaw ang mga bato dakong alas-10 ng umaga.
Agad naman itong inusyoso ng mga residente na ang iba ay nakaramdam ng takot.
Pero paliwanag ni Engr. Ronald Pigtain, OIC, Phivolcs-Taal Volcano Observatory, base sa pagsusuri ng mga geologist, ang mga lumutang na bato ay mga scoria o volcanic rocks.
Ito umano ay volcanic materials na naipon sa volcano island o pulo mula sa dating mga pagputok ng Bulkan Taal.
Posible umanong dahil sa malakas na pag-ulan ay natangay ng baha ang nasabing volcanic materials na dumiretso sa lawa hanggang sa mapadpad sa bahagi ng Tanauan City.
Nilinaw rin ng Phivolcs na wala itong kinalaman sa aktibidad ng Bulkan Taal na ngayon ay nananatili sa alert level 1.
Pinawi rin ni Dr. Amor Calayan, head ng Batangas Provincial Disaster Risk Reduction and Management Office, ang pangamba ng mga residenteng malapit sa Taal Volcano.
Dagdag ng Phivolcs, posibleng maulit pa ang pangyayari kung malakas ang pag-ulan pero wala naman umanong dapat ikabahala.
(NILOU DEL CARMEN)
