ABC PREXY NG KALAYAAN, LAGUNA, PATAY SA PAMAMARIL

PATAY ang pangulo ng Association of Barangay Captains ng Kalayaan, Laguna matapos pagbabarilin ng riding in tandem suspects habang sakay ng kanyang sasakyan sa national highway sa nasabing bayan,Huwebes ng tanghali, June 18.

Kinilala ng Kalayaan police ang biktima na si Foilan Reyes, alyas Kapitan Aweng, 48, chairman ng Barangay San Antonio.

Batay sa report ng pulisya, galing sa isang water refilling station ang biktima at papauwi na sakay ng kanyang kulay green na Isuzu Crosswind nang buntutan ito ng mga suspek.

Naabutan ito sa highway sa Barangay Longos at doon pinagbabaril.

Tumakas ang mga suspek matapos ang pananambang patungo sa direksyon ng bayan ng Lumban.

Iniwan din ng mga ito ang sinasakyang motorsiklo sa mismong harap ng munisipyo ng Kalayaan.

Isinugod naman ang biktima sa Pagsanjan Medical Clinic subalit binawian din ito ng buhay habang nilalapatan ng lunas.

Patuloy pang iniimbestigahan ng mga awtoridad ang pangyayari at inaalam kung ano ang motibo at sino ang mga salarin. (NILOU DEL CARMEN)

Related posts

Leave a Comment