IBINIDA ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. ang nakuhang ₱41.1 bilyong investment commitments mula sa iba’t ibang sektor kasunod ng kanyang paglahok sa 33rd Asia-Pacific Economic Cooperation (APEC) Economic Leaders’ Meeting sa Shenzhen, China.
Ayon sa Pangulo, inaasahang makalilikha ang mga ipinangakong pamumuhunan ng mahigit 7,000 bagong trabaho para sa mga Pilipino at magpapalakas sa lokal na industriya at pagmamanupaktura.
Sa kanyang arrival statement, sinabi ni Marcos na kabilang sa mga pangunahing itinulak niya sa pagpupulong ang malayang kalakalan, seguridad ng supply chains, pagkilala sa mga kwalipikasyong propesyonal ng mga Pilipino at suporta sa micro, small, and medium enterprises (MSMEs).
Hinimok din niya ang mga bansang kasapi ng APEC na kilalanin ang mga kwalipikasyong pang-edukasyon at propesyonal ng bawat isa upang mas mapalawak ang oportunidad ng mga Pilipinong manggagawa sa rehiyon.
Binigyang-diin din ng Pangulo ang kahalagahan ng pangangalaga sa mga karagatan at pagpapanatili ng malayang paglalayag alinsunod sa United Nations Convention on the Law of the Sea (UNCLOS), dahil mahalaga ang mga ito sa pandaigdigang kalakalan at seguridad ng supply chains.
Sa sidelines ng summit, nakipagpulong din si Marcos sa mga lider mula sa Chile, Peru, Mexico at iba pang bansa upang palakasin ang ugnayan sa kalakalan at pamumuhunan.
Kabilang sa mahahalagang resulta ang paglagda sa Philippines-Chile Comprehensive Economic Partnership Agreement (CEPA), ang unang bilateral free trade agreement ng Pilipinas sa isang bansa sa Latin America.
Nakipagpulong din ang Pangulo sa mga kompanyang Tsino na C&U Group, BYD at Mingyang Smart Energy Group upang hikayatin ang mga bagong pamumuhunan at palawakin ang operasyon ng mga industriya sa Pilipinas.
Nagsagawa rin siya ng executive roundtable meeting kasama ang TCL Group, Huaxin Building Materials Group, Shenzhen Grandsun Electronic at PCON International upang talakayin ang mga oportunidad sa pamumuhunan sa bansa.
Samantala, itinampok din ni Marcos ang potensyal ng care economy o sektor ng mga serbisyong pangangalaga bilang mapagkukunan ng trabaho sa rehiyon, kasabay ng inaasahang pagdami ng mga senior citizen sa mga bansang kasapi ng APEC pagsapit ng 2050.
Ayon sa Pangulo, mahalagang magbunga ang mga kasunduan at talakayan sa APEC ng mas maraming trabaho, oportunidad para sa mga negosyo at mas malawak na merkado para sa mga produktong at serbisyong Pilipino.
(CHRISTIAN DALE)
31 