KABATAANG PINOY NAGNINGNING SA PAROL-MAKING CONTEST

NAGPAKITANG-GILAS ang mga kabataang Pilipino sa ikalimang taon ng “Isang Bituin, Isang Mithiin: National Parol-Making Competition” sa Palasyo ng Malakanyang na nagtatampok sa pagkamalikhain at talento ng mga mag-aaral mula sa mga pampublikong paaralan sa bansa.

Inorganisa ng Office of the President (OP), sa pamamagitan ng Office of the Social Secretary (SOSEC), katuwang ang Department of Education (DepEd), layunin ng paligsahan na itaguyod ang kapayapaan, pag-asa, paghilom, pamumuno ng kabataan at pagkakaisa.

Sa temang “Kabataang Pilipino: Tanglaw ng Pag-asa,” umabot sa 115 lahok mula sa iba’t ibang Schools Division Office ang isinumite sa kompetisyon.

Bawat pangkat ay binubuo ng apat na mag-aaral mula Baitang 7 hanggang 12, sa paggabay ng isang guro. Gumamit ang mga kalahok ng mga katutubong materyales, recycled na bagay at lokal na produkto sa paggawa ng kanilang mga parol, kasama ang mga ilaw na matipid sa enerhiya.

Sinuri ang mga lahok sa pamamagitan ng closed-door judging noong Nobyembre 19 batay sa pagsunod sa tema, pagkamalikhain, husay sa pagkakagawa, pagkakakilanlang kultural at simbolismo. Sampung porsyento ng kabuuang marka ang inilaan para sa online public voting.

Mahigit P5 milyon na halaga ng cash at non-cash prizes ang nakalaan para sa mga magwawagi. Makakatanggap ang tatlong nangungunang pangkat ng P1 milyon, P500,000 at P300,000, ayon sa pagkakasunod-sunod, bukod pa sa mga laptop at mobile phone package.

Gaganapin sa Nobyembre 28 ang awarding ceremony kasabay ng Christmas Tree Lighting sa Malakanyang, kung saan iaanunsyo ang pinal na resulta ng kompetisyon.

Plano ring ipakita at sindihan sa buong Kapaskuhan ang mga lahok sa Malacañang sa Maynila at sa The Mansion sa Baguio City upang makita ng publiko ang talento at pagkamalikhain ng mga kabataang Pilipino.

(CHRISTIAN DALE)

176

Related posts

Leave a Comment