ITINUTULAK ni Senador Erwin Tulfo ang obligadong pagtanggap ng mga ahensya ng gobyerno sa mga authenticated digital version ng government-issued identification cards (IDs) upang mapabilis ang mga transaksyon at serbisyo publiko.
Sa pamamagitan ng Senate Bill No. 2590 o Government-Issued Digital Identification Acceptance Act, inaatasan ang mga ahensya ng pambansang pamahalaan, local government units (LGUs), government-owned or controlled corporations (GOCCs) at government financial institutions (GFIs) na kilalanin ang mga beripikadong digital ID bilang sapat na patunay ng pagkakakilanlan.
Ayon kay Tulfo, inihain niya ang panukala kasunod ng mga reklamo ng mamamayan na hindi tinatanggap ang kanilang digital IDs sa mga transaksyon kahit hinihikayat naman silang gumawa ng account sa eGovPH app.
Sa ilalim ng panukala, kailangang magpatupad ang mga ahensya ng mga proseso para sa authentication at verification ng digital IDs. Kung pumalya ang electronic verification system, dapat silang gumamit ng iba pang makatwirang paraan ng beripikasyon.
Hindi naman aalisin ng panukala ang karapatan ng mamamayan na gumamit ng pisikal na ID. Maaari ring humingi ng karagdagang beripikasyon ang mga ahensya kung kinakailangan upang maiwasan ang pandaraya, identity theft at hindi awtorisadong paggamit ng pagkakakilanlan.
Nakasaad din sa panukala na maaaring panagutin ang mga opisyal at empleyado ng gobyerno na tatangging tumanggap ng authenticated digital ID nang walang sapat na dahilan.
Binigyang-diin ni Tulfo na dapat makasabay sa makabagong teknolohiya ang mga serbisyo ng pamahalaan upang mabawasan ang abala at mapabilis ang transaksyon ng publiko.
34 