IGINIIT ng Philippine National Police (PNP) na nananatiling apolitikal at walang kinikilingan ang organisasyon, at ginagabayan ng Konstitusyon ang lahat ng kanilang operasyon at tungkulin.
“Ang pagiging walang kinikilingan ay isang prinsipyong sinisikap naming itaguyod sa bawat operasyon ng pulisya at serbisyo publiko,” ayon kay PNP Chief General Jose Melencio Nartatez Jr.
Tiniyak ni Nartatez na pantay ang pagtrato at proteksiyong ibinibigay ng pulisya sa lahat, anuman ang posisyon o political affiliation ng isang tao.
Naglabas ng pahayag ang PNP matapos tawagin ni Vice President Sara Duterte ang ahensiya bilang “puwersang tagapagpatupad ng mga pulitiko.”
Ginawa ni Duterte ang pahayag matapos ibasura ng pulisya ang mga alegasyong kinidnap at pinilit na lumagda sa mga sinumpaang salaysay ang limang dating miyembro ng kanyang sambahayan.
Noong Sabado, inakusahan ni Duterte ang PNP ng pagkiling at pinuna si Nartatez dahil sa umano’y maagang pagbabasura sa posibilidad na nagkaroon ng “pagsagip” sa kanyang mga dating tauhan nang walang sapat na imbestigasyon.
Hinimok din niya ang hepe ng PNP na itigil ang paggiit na apolitikal ang puwersa, dahil taliwas umano ito sa pananaw ng maraming Pilipino.
Ayon kay Duterte, nagdudulot ng seryosong pangamba sa pagiging walang kinikilingan ng PNP at pagsunod nito sa due process ang pagdedeklarang walang naganap na “pagsagip” nang hindi muna siya o ang mga sangkot na indibidwal tinatanong.
Nag-ugat ang pahayag ni Duterte sa paglilinaw ng PNP noong Nobyembre 20 hinggil sa insidente noong Nobyembre 17 sa isang hotel sa Taguig City, kung saan sinamahan ng mga pulis ang mga abogado upang sunduin ang dalawang dating tauhan ng bise presidente at tatlo pang iba.
Ayon sa pulisya, kusang umalis ang lima at walang nakitang palatandaang sila ay bihag. Tumanggi rin umano silang magsampa ng pormal na reklamo.
Samantala, nauna nang sinabi ng National Bureau of Investigation (NBI) na pinag-aaralan nito ang pagsasagawa ng motu proprio investigation kaugnay ng mga alegasyon ng pagbabanta at pamimilit sa mga dating tauhan ni Duterte upang matukoy kung may naganap na mga krimen, kabilang ang kidnapping, coercion o perjury.
(JESSE RUIZ)
36 