NAUNGUSAN ni Senador Bam Aquino ang mga kapwa senador na sina Robin Padilla at Raffy Tulfo sa isang hypothetical three-way matchup para sa pagkapangulo sa 2028 elections, ayon sa bagong survey ng Tangere.
Sa survey na ginawa mula Nov. 10 hanggang 13 na sinalihan ng 1,800 respondents, nanguna si Aquino na may 33 porsyento, habang may 28 porsiyento at 16 porsiyento naman sina Padilla at Tulfo, ayon sa pagkakasunod.
Nasa 23 porsiyento naman ng respondents ang piniling mag-abstain.
Ito ang ikalawang three-way matchup kung saan nanalo si Aquino sa iba pang mga posibleng kandidato sa pagkapangulo sa 2028 na sina Senador Bong Go at Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr.
Sa katulad na survey ng Tangere, nakakuha si Aquino ng 34 percent habang 33 at 10 lang sina Go at Teodoro, ayon sa pagkakasunod.
Ayon din sa Tangere, si Aquino ang lumitaw na pinakamalakas na kandidato ng oposisyon bilang pangulo kasunod ng desisyon ni dating Vice President at ngayo’y Naga City Mayor Leni Robredo na hindi siya tatakbo bilang presidente sa 2028.
Sa isang hypothetical two-way contest laban kay Padilla, nakakuha si Aquino ng 39 porsiyento laban sa 31 lang ni Padilla.
Napanatili kamakailan ni Aquino ang kanyang posisyon bilang senador na may pinakamataas na net favorable rating sa loob ng isang taon matapos manguna sa PAHAYAG 2026 Third Quarter Survey ng Publicus Asia.
Isinagawa mula Oktubre 1 hanggang 4, 2026, sa 1,581 respondents, ipinakita ng survey na nanguna si Aquino sa mga senador sa nakuhang 51 porsiyentong net favorable rating.
Naitala rin ni Aquino ang pinakamababang unfavorable rating na 17 porsiyento, na nagbigay sa kanya ng net gap na +34 puntos—ang pinakamalaki sa hanay ng mga senador.
Nanguna siya bilang senador na may pinakamataas na net favorable rating sa nakaraang tatlong rounds ng PAHAYAG Survey ng Publicus Asia, simula sa PAHAYAG 2025 End-of-Year (PEOY-2025) Survey, PAHAYAG 2026 First Quarter Survey, at PAHAYAG 2026 Second Quarter Survey.
Ang Publicus Asia ang nag-iisang survey firm na nagsabing magtatapos si Aquino sa ikalawang puwesto sa 2025 senatorial elections.
26 