SAME-SEX INFIDELITY ‘DI SAKLAW NG ADULTERY AT CONCUBINAGE

HINIMAY ni Atty. Ariel Inton ang mga probisyon ng Revised Penal Code (RPC) kaugnay ng adultery at concubinage, at ipinaliwanag kung bakit hindi saklaw ng mga umiiral na batas ang pagtataksil ng mag-asawa sa kaparehong kasarian.

Ayon kay Inton, habang mainit na pinag-uusapan ang panukalang Sexual Orientation, Gender Identity and Expression (SOGIE) Equality Bill na naglalayong labanan ang diskriminasyon, dapat ding suriin ang pagiging patas ng mga batas na may kaugnayan sa pagtataksil sa pag-aasawa.

Sa ilalim ng Article 333 ng Revised Penal Code, nagkakasala ng adultery ang isang babaeng may asawa na nakipagtalik sa lalaking hindi niya asawa, gayundin ang lalaking nakipagtalik sa kanya nang alam na siya ay may asawa, kahit pa ideklarang walang bisa ang kanilang kasal sa kalaunan.

Dahil dito, paliwanag ng abogado, hindi pumapasok sa depinisyon ng adultery ang pakikipagtalik ng isang babaeng may asawa sa kapwa babae o ng lalaking may asawa sa kapwa lalaki.

Bagama’t maituturing itong pagtataksil sa asawa o marriage infidelity, hindi umano ito saklaw ng kasalukuyang depinisyon ng adultery sa batas.

Binigyang-diin din ni Inton na hindi sapat ang pagkakaroon lamang ng romantikong relasyon dahil malinaw na sexual intercourse ang hinihingi ng nasabing probisyon.

Sinuri rin niya kung maaaring pumasok sa kasong concubinage ang pagtataksil sa kaparehong kasarian.

Sa ilalim naman ng Article 334 ng Revised Penal Code, nagkakasala ng concubinage ang isang lalaking may asawa kung gagawin niya ang alinman sa mga sumusunod:
– Magkaroon ng kabit na pinatira sa kanilang conjugal dwelling;
– Makipagtalik sa ibang babae sa ilalim ng iskandalosong sitwasyon; o
– Makipamuhay sa ibang babae sa ibang lugar.

Dahil nakasaad sa batas ang pakikipagrelasyon sa isang babae, hindi rin umano saklaw ng concubinage ang lalaking may asawa na nakipagrelasyon o nakipamuhay sa kapwa lalaki.

Sa ganitong sitwasyon, iginiit ni Inton na may puwang upang pag-aralan kung paano matitiyak ang pantay na pagtrato ng batas sa lahat ng anyo ng pagtataksil sa pag-aasawa.

38

Related posts

Leave a Comment