NASAMSAM ng mga operatiba ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA) ang tinatayang 1.350 kilo ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng mahigit 9 milyon sa magkahiwalay na anti-narcotics operation sa Mindanao.
Sa ulat na isinumite kay PDEA Director General at Undersecretary Isagani Nerez, dalawang high-value drug personality ang naaresto ng mga tauhan ng PDEA Sulu Provincial Office matapos makuhanan ng tinatayang isang kilo ng shabu na nagkakahalaga ng P6.8 milyon.
Isinagawa ang buy-bust operation sa bisinidad ng Barangay Kajatian, Indanan, Sulu, na nagresulta sa pagkakaaresto kina alyas “Alsidar,” 29, delivery rider at residente ng Maimbung, Sulu, at alyas “Norudun,” 27, residente ng Kuttong, Talipao, Sulu.
Katuwang sa operasyon ang mga operatiba ng PNP 51st Special Action Company, 5th Special Action Battalion ng Special Action Force, Sulu Provincial Police Office–Provincial Intelligence Unit, Indanan Municipal Police Station, 1st at 2nd Provincial Mobile Force Companies, Regional Intelligence Unit IX at Regional Mobile Force Battalion 9B.
Samantala, nasa 350 gramo naman ng hinihinalang shabu na nagkakahalaga ng P2.38 milyon ang nasamsam ng mga tauhan ng PDEA Regional Office 9 sa F.S. Fajares Avenue, Barangay San Jose, Pagadian City.
Dalawang drug suspect ang naaresto sa operasyon, bukod sa nakumpiskang dalawang sasakyan, mga cellphone, paper bag, eco bag at buy-bust money.
Ayon sa ulat na natanggap ni Undersecretary Nerez mula sa PDEA Regional Office 9, isinagawa ang operasyon ng Zamboanga del Sur Provincial Office sa tulong ng PNP Zamboanga del Sur Provincial Intelligence Team, Coast Guard Intelligence Unit–Zamboanga del Sur, 90th Maneuver Company ng Regional Mobile Force Battalion 9, Naval Intelligence and Security Group Western Mindanao at PNP Maritime.
Kinilala ang mga naaresto na sina alyas “Abdul,” 34, driver, at alyas “Sabdani,” 36, kapwa residente ng Barangay Kawit, Pagadian City.
Nahaharap ang apat na suspek sa kasong paglabag sa Section 5, Article II ng Republic Act No. 9165 o Comprehensive Dangerous Drugs Act of 2002.
(JESSE RUIZ)
55 