PINAGTIBAY bilang urgent ni Marikina City Mayor Maan Teodoro ang pagpasa ng isang panukalang ordinansa na maglalaan ng pondo upang matugunan ang krisis sa tubig sa Barangay Tumana, matapos putulin ng Manila Water ang suplay ng tubig sa lugar.
Sa isang pormal na liham na ipinadala sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod, iginiit ni Teodoro ang agarang pangangailangan na maipasa ang ordinansang naglalayong maglaan ng ₱15,000,000 upang bahagyang mabayaran ang obligasyon ng Barangay Tumana sa Manila Water.
Ayon sa ulat, umano’y nabigo si Barangay Captain Akiko Centeno na maipasa sa Manila Water ang mga bayad sa tubig ng mga residente na umaabot sa ₱37,192,199.98, dahilan upang putulin ng kompanya ang suplay ng tubig sa barangay.
“Huwag nating payagang mag-Pasko ang Barangay Tumana nang walang tubig,” pahayag ni Teodoro.
Ayon pa sa alkalde, ang panukalang ordinansa ay isang tiyak na hakbang upang makapagbigay ng kinakailangang pondo para maayos ang obligasyon at mapabilis ang pagbabalik ng serbisyo ng tubig sa Barangay Tumana.
Dagdag niya, ang naturang interbensyon ay makatao at makatuwiran, sapagkat nagbibigay ito ng agarang tulong habang tinitiyak ang pananagutan sa paggamit ng pondo ng bayan. Aniya, pinatutunayan din nito ang matibay na paninindigan ng pamahalaang lungsod na pangalagaan ang kalusugan ng publiko, igalang ang dignidad ng tao, at maglingkod sa mga mamamayan ng Marikina.
Binigyang-diin din ni Teodoro ang legal at moral na obligasyon ng pamahalaang lungsod na kumilos nang may agarang aksyon, alinsunod sa Seksyon 16 ng Local Government Code na nag-aatas sa mga lokal na pamahalaan na pangalagaan ang kapakanan ng kanilang mga nasasakupan.
Nanawagan ang alkalde sa mga miyembro ng Sangguniang Panlungsod na unahin ang kapakanan ng mga residente ng Tumana at agad na kumilos upang maibalik ang serbisyo ng tubig at matiyak ang dignidad at kapanatagan ng mga apektadong pamilya.
“Dahil sa bigat at agarang epekto ng krisis na ito, buong paggalang kong hinihiling sa mga kagalang-galang na miyembro ng Sangguniang Panlungsod ang agarang aksyon at malasakit sa pagpasa ng ordinansang ito,” pahayag ni Teodoro.
115
