Timbog ang isang lalaki nagja-jumper sa Barangay San Vicente, San Pedro, Laguna nitong Huwebes, Oktubre 22.
Arestado ang 33-anyos na residente ng nasabing barangay habang iligal na nagta-tap sa kable ng Meralco. Nakuha din mula sa suspek ang ilang gamit tulad ng pliers na ginamit para sa krimen.
Nahuli ang suspek matapos makatanggap ng report ng Meralco at Philippine National Police tungkol sa pagnanakaw ng kuryente sa lugar.
Mahaharap sa kasong paglabag sa Republic Act No. 7832 o Anti-Electricity Pilferage Act ang suspek at maaaring maparusahan ng pagkakakulong at multa.
Muli namang nagpaalala sa publiko ang Meralco na mahigpit na ipinagbabawal sa ilalim ng batas ang pagnanakaw ng kuryente at mga kagamitan na ginagamit para sa paghahatid ng serbisyong ito.
Hinimok rin ng kumpanya ang publiko na i-report ang anumang kahina-hinalang aktibidad upang mapanatili ang kaligtasan at integridad ng serbisyo ng kuryente.
“Patuloy ang kampanya ng Meralco katuwang ang PNP laban sa pagnanakaw ng kuryente. Nananawagan din kami sa publiko na agad i-report ang mga insidente ng pagnanakaw ng kuryente o pagja-jumper para sa kaligtasan ng lahat,” ani Meralco Vice President at Head ng Corporate Communications Joe R. Zaldarriaga.
Maaaring i-report ng mga customer ang anumang alalahanin sa serbisyong kuryente sa pamamagitan ng MyMeralco app, o sa mga opisyal na social media account sa Facebook (www.facebook.com/meralco) at X (@meralco). Maaari rin silang magtext sa 09209716211 o 09175516211, o tumawag sa Meralco Hotline 16211.
99 
