MAGPAPATUPAD ng full alert status ang Philippine National Police (PNP) mula Oktubre 30 hanggang Nobyembre 2, 2026, bilang paghahanda sa paggunita ng Undas.
Kinumpirma ni PNP Chief General Jose Melencio Nartatez na nakataas sa full alert ang buong puwersa ng kapulisan upang matiyak ang seguridad at mapanatili ang kaayusan sa pagdiriwang ng All Saints’ Day at All Souls’ Day.
Aabot sa 140,860 security personnel ang nakatakdang ideploy sa buong bansa para magbantay sa mga sementeryo, columbarium, pangunahing lansangan, matataong lugar at mga transport hub, kabilang ang mga terminal, paliparan at pantalan.
Sa nasabing bilang, 72,501 ang mga tauhan ng PNP, habang 16,892 naman ang magmumula sa Armed Forces of the Philippines (AFP). Makikiisa rin sa operasyon ang Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Coast Guard (PCG) at iba pang ahensya.
Tutulong din sa pagpapanatili ng seguridad ang 51,467 force multiplier, kabilang ang mga barangay tanod, radio group at non-government organization.
Maglalagay rin ang PNP ng Public Assistance Desks (PADs), kasama ang mga medical at emergency response team, upang agad na matugunan ang pangangailangan ng publiko.
Samantala, pinaalalahanan ng kapulisan ang publiko na mahigpit na ipinagbabawal ang pagdadala ng baril, patalim, ilegal na droga at mga inuming nakalalasing sa loob ng mga sementeryo.
(JESSE RUIZ)
75 