1 PANG DQ VS TULFO ISINAMPA SA COMELEC

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

NAHAHARAP sa panibagong reklamo ng disqualification si ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo.

Ayon kay Commission on Elections (Comelec) Chairman George Erwin Garcia, may panibagong petisyon na inihain sa poll body nitong Martes.

Tinukoy niya ang naghain ng petisyon na si Berteni Cataluña Causing at ang Graft-free Philippine Foundation, Inc. na kinatawan ni Diosdado Villar Calonge.

Giit ni Causing sa kanyang petisyon na disqualified si Tulfo bilang kandidato sa pagkasenador matapos ma-convict sa 4 na bilang ng libelo.

Naunang naghain ng disqualification (DQ) kay Tulfo at iba pang kapamilya nito ang isang abogado kamakailan.

Isa sa mga dahilan ng paghahain ng disqualification case ni Atty. Virgilio Garcia laban sa mga Tulfo ay ang kwestyonableng pagiging Pilipino partikular si Erwin.

Sa 19 pahinang petisyon ni Garcia sa Comelec, hiniling nito na idiskwalipika sina ACT-CIS Rep. Erwin Tulfo at broadcast journalist Ben Tulfo, na parehong tumatakbo sa Senado; ACT-CIS Rep. Jocelyn Pua-Tulfo at Quezon City Rep. Ralph Tulfo, na nagbabalik sa Kamara, at dating Tourism secretary Wanda Tulfo Teo na nominado naman ng Turismo party-list.

Sina Erwin, Ben at Wanda ay magkakapatid, habang sina Jocelyn at Ralph ay maybahay at anak ng isa pang kapatid ng mga Tulfo na si Raffy na kasalukuyang senador.

Sa kanyang petisyon, sinabi ng petitioner na ang mga Tulfo ay bumubuo ng political dynasty na ipinagbabawal sa ilalim ng 1987 Constitution at hindi natural-born Filipinos.

36

Related posts

Leave a Comment