Alam nang bawal, lumusot pa rin sa busway PNP LAW BREAKER – PANELO

(SAKSI NGAYON NEWS TEAM)

PINATUTSADAHAN kahapon ni dating Presidential Legal Counsel Atty. Salvador Panelo ang Philippine National Police (PNP) at tinawag na ‘law breaker’ matapos ang kontrobersyal na pagdaan ng convoy ng umano’y ‘higher official’ nito sa EDSA busway kamakalawa.

Sa ulat, sinita ng Department of Transportation-Special Action and Intelligence Committee for Transportation (DOTR-SAICT) ang convoy na nangatwirang may importanteng aktibidad na dadaluhan ang sakay na opisyal sa Camp Crame kaya kailangan nitong makarating agad.

Para kay Panelo, dapat sampahan ng reklamo ang nasabing opisyal ng PNP dahil sa paglabag na ito.

Aminado naman ang pamunuan ng PNP na nilabag ng kanilang convoy ang ipinatutupad na EDSA bus way rules bagamat kinikilala nila ang kapangyarihan ng mga tauhan ng DOTr-SAICT kaya agad na nagpatiket ang kanilang mga driver.

Kinumpirma ni PNP spokesperson Brig. General Jean Fajardo na matataas na opisyal ng kapulisan ang sakay ng convoy na pinara sa EDSA Bus Carousel lane sa Ortigas.

May mga lumutang na ulat na mismong si PNP Chief Police General Francisco Rommel Marbil ang senior officer na sakay ng convoy.

Magugunitang mahigpit na ipinagbabawal ng DOTr-SAICT sa pagdaan sa EDSA Busway kung saan limitado lamang ito sa matataas na opisyal ng gobyerno gaya ng Pangulo ng Pilipinas, mga emergency na sasakyan at kahalintulad nito.

Naniniwala ang PNP na may paglabag sa isyu ng privacy ang DOTr-SAICT dahil sa paglalabas ng plaka ng sasakyan ng PNP na kanilang nahuling dumaan sa EDSA busway. (May dagdag na ulat si JESSE KABEL RUIZ)

50

Related posts

Leave a Comment